203 total views
Naniniwala si Greenpeace Asia Detox campaigner Abegail Aguirre na magandang oportunidad ang ginaganap na 30th ASEAN summit upang talakayin ang plastic pollution sa bansa.
Ayon kay Aguirre, dapat isama din sa agenda ng ASEAN summit ang iresponsableng paggamit at pagtatapon ng plastic.
“Dahil tayo ang chair [ng ASEAN ngayong taon], maganda sigurong pangunahan ng Pilipinas ang pananawagan na yung sampung bansa ng ASEAN ay magsama-sama at magtulong-tulong para kanilang mapag-usapan [ang plastic pollution] dahil nahuhuli na tayo kung hindi pa natin ito mapag-uusapan,” ani Aguirre.
Bukod dito, isinusulong din ng Greenpeace Asia ang plastic ban campaign na magbabawal sa paggamit ng single-used plastic tulad ng ando bags, straw, disposable bottles at lobo na pangunahing sanhi sa pagkamatay ng mga hayop sa karagatan.
“Isa sa panawagan namin na kapag nagsi-celebrate ng isang event ay huwag gumamit balloons, kasi dapat iniisip din natin kung saan ito napupunta later on. Maaaring festive tingnan pero diretso agad ito sa ating karagatan at ang issue dito ay naaapektuhan ang marine life, kinakain siya ng mga dolphins, napagkakamalan siyang pagkain ng jelly fish,”panawagan ni Aguirre.
Ayon sa pag-aaral noong 2015, lumalabas na pangatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na plastic-polluted.
Sa kanyang ensiklikal na Laudo Si, hinahamon ni Pope Francis ang bawat mananampalataya na maging tagapangalaga ng kalikasan upang mapakinabangan ng susunod na henerasyon.