5,021 total views
Ikinagalak ng Diyosesis ng Antipolo ang pagkilala ng Kanyang Kabanalan Francisco sa panawagang pagkalooban ng Pontifical Crowning ang Nuestra Señora de la Annunciata sa Old Boso-Boso, Antipolo City, Rizal.
Ayon kay Bishop Ruperto Santos, ang magandang balitang ito’y pagpapala mula sa Diyos bilang pagkilala sa masidhing debosyon ng mga mananampalataya sa Mahal na Birhen lalo’t ang Pilipinas ay tinaguriang Pueblo Amante de Maria.
“This momentous and memorable event of Pontifical Crowning is a tribute to the deep faith, unwavering devotion, and collective efforts of our beloved parish and community,” ayon kay Bishop Santos.
Sa pamamagitan ng Dicasterium de Cultu Divino et Disciplina Sacramentorum, pinahintulutan ang pagkakaloob ng korona sa mapaghimalang imahen ng Mahal na Birhen ng Pagpapahayag.
Ang Pontifical Crowning ay mataas na parangal na iginagawad ng Santo Papa sa imahen ng Mahal na Birhen na kinikilala bilang mapaghimala o may natatanging debosyon mula sa mga mananampalataya.
Pinuri naman ni Bishop Santos ang pagsisikap ng kura paroko, Camillian priest, Fr. John Jay Magpusao, maging ang Parish Pastoral Council, at ang buong pamayanan ng Nuestra Señora dela Annunciata Parish sa pag-aalay ng panahon at patuloy na pagpapalalim ng debosyon sa Mahal na Birhen.
Hinimok ng obispo ang lahat na ipagdiwang ang biyayang ito, sa pamamagitan ng pagpapakita ng katatagan, habag, at paglilingkod, upang higit pang maipalaganap ang magandang balita ng pagpapala ng Diyos sa simbahan at sa buong sambayanan.
“Let us come together to celebrate this immense blessing, continue to strengthen our of resiliency, compassion and services. We now spread and share this good news that “the mighty One has done great things for me. Holy is His name” (Luke 2, 49),” pahayag ni Bishop Santos.
Sa kasalukuyan, ang Diyosesis ng Antipolo ay may pitong imahen ng Mahal na Birhen na pinagkalooban ng canonical coronation, kabilang ang Nuestra Señora Dela Paz y Buenviaje ng International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo City; Nuestra Señora de los Desamparados ng Diocesan Shrine of Our Lady of the Abandoned sa Marikina City; Nuestra Señora de Aranzazu ng Diocesan Shrine and Parish of Nuestra Señora de Aranzazu sa San Mateo; Nuestra Señora de la Lumen ng Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of Light sa Cainta; Nuestra Señora del Santisimo Rosario ng Diocesan Shrine of Our Lady of the Holy Rosary sa Cardona; Nuestra Señora de Fatima de Marikina ng Diocesan Shrine and Parish of Saint Paul of the Cross sa Marikina City, at ang Nuestra Señora de la Annunciata de Boso-Boso.