4,817 total views
Hinikayat ng opisyal ng Vatican ang mga mananampalatayang Filipino ng higit pang pananalangin lalo na sa mga diyosesis na ‘sede vacante’ o walang nangangasiwang obispo.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, bagama’t marami na rin ang napunan na diyosesis sa Pilipinas, may anim pang diyosesis ang sede vacante sa kasalukuyan.
“It’s a glorious thing to see a new bishop installed. In fact, we had a number of bishops named in the last several months and God-willing we have some more because we have a few vacancies,” ayon kay Archbishop Brown sa panayam ng programang Pastoral visit on-the-air ng Radyo Veritas.
“So, if you are in a diocese with no bishop at the moment, keep praying and I’m sure the Holy Spirit through the Holy Father will send you a bishop soon.”
Sa taong 2024, 10 sa mga diyosesis ang pinagkalooban ng bagong pastol na mamumuno sa kanilang kawan, habang isang diyosesis ang itinatag ang Diocese of Prosperidad sa Agusan Del Sur.
Anim sa sampung diyosesis ay mga bagong hirang na obispo na pinagkatiwalaan ng Santo Papa na mangasiwa sa kristiyanong pamayanan kabilang na rito sina Bishop Napoleon Sipalay Jr. ng Diocese of Alaminos, Bishop Luisito Occiano ng Diocese of Virac, at Bishop Rafael Cruz ng Diocese of Baguio.
Kasama rin sa itinalaga sa taong 2024 sina Bishop Elias Ayuban Jr. ng Diocese of Cubao, Bishop Eunigius Canete ng Diocese of Gumaca, Bishop-elect Rufino Sescon Jr. naman sa Diocese of Balanga sa Bataan at Bishop Roberto Mallari sa Diocese ng Tarlac.
Itinalagang arsobispo naman ng Caceres sa Bicol Region si Archbishop Rex Andrew Alarcon, Bishop Nolly Buco sa Diocese of Catarman, at Bishop Prudencio Andaya Jr. sa Diocese of Cabanatuan.
Habang itinalaga naman bilang kauna-unahang pinuno si Bishop Ruben Labajo sa ika–87 diyosesis ng Pilipinas- ang Diocese ng Prosperidad.
Anim naman sa mga diyosesis sa bansa ang walang namumunong obispo, kabilang ng ang mga diyosesis ng Boac; Daet; Ipil; Pagadian; San Jose; Nueva Ecija at ang Apostolic Vicariate ng Tabuk.
Sa taong 2024 din ng hinirang ng Santo Papa Francisco si Kalookan Bishop Pablo Virgilio Davidl bilang ika-10 Cardinal ng Pilipinas.
Bukod kay Cardinal David, kabilang din sa mga kasalukuyang cardinal ng bansa sina Luis Antonio Tagle, ang Pro-Prefect of the Dicastery for Evangelization, Manila Archbishop Jose Advincula- na pawang mga ‘cardinal electors’ o wala pang 80-taong gulang na may kapangyarihan mahalal at maghalal ng bagong Santo Papa.
Habang mga non-electors naman sina Cotabato archbishop-emeritus Cardinal Orlando Quevedo at Manila archbishop-emeritus Cardinal Gaudencio Rosales.