337 total views
July 26, 2020, 11:02AM
Manila,Philippines — Nagluluksa ang Prelatura ng Batanes sa biglaang pagpanaw ni Radio Veritas Anchor priest Rev. Fr. Larry Faraon.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Danilo Ulep, hinahangaan nito ang dedikasyon ni Fr. Faraon sa paglilingkod sa Panginoon bilang pari sa pamamagitan ng iba’t-ibang ministries ng simbahan lalo’t higit ang preaching ministry gamit ang broadcast media.
“Ako ay nalulungkot kagaya ng marami sa atin sa biglaang pagpanaw ni Fr. Larry; isa sa mga nakikita kong ugali sa kanya ang pagmamahal sa kanyang pagkapari at committment to serve sa mga ministries,” pahayag ni Bishop Ulep sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Bishop Ulep ang isa sa mga natatanging katangian ng pumanaw na pari ay ang pagmamahal sa kanyang bokasyon at paglalaan nito sa pagpapahayag ng Mabuting Balita ng Panginoon sa pamamagitan ng programa sa radyo at sa mga pahayagan.
Bagamat napabilang sa Prelatura ng Batanes, si Fr. Faraon ang Social Communications Ministry in-charge ay inialay dito sa Metro Manila upang ipagpatuloy ang paglilingkod sa mass media kung saan mas malawak ang naaabot nito.
“Kung kaya’t hanggang sa kanyang pagpanaw ay naging bahagi na rin si Fr. Larry sa Radio Veritas,” dagdag pa ng obispo.
Dahil dito hiniling ni Bishop Ulep sa mananampalataya ang sama-samang pananalangin para sa kaluwalhatian ng kaluluwa ni Fr. Faraon bilang gantimpala sa kabutihang nagawa nito at pagiging instrumento ng pagpapalaganap ng mabuting balita at dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.
“So I ask everyone that in the midst of grief and sorrow let us be one in asking the Lord comfort and consolation, to give strength to the bereaved family of Fr. Larry,” ayon pa kay Bishop Ulep.
Sa halos apat na dekadang pagiging pari ni Fr. Faraon aktibo ito sa broadcast ministry lalo na sa Radio Veritas bilang anchor priest ng Healing Touch Sunday edition.
Si Fr. Faraon ang nagsilbing station manager ng Radio Veritas noong 1986 nang maganap ang EDSA people power revolution at nanungkulan sa Katolikong istasyon sa loob ng higit 20 taon.
Huling napakinggan si Fr. Faraon sa Radio Veritas noong ika – 15 ng Hulyo ng pangunahan nito ang online at on-air mass ng himpilan.
Lubos ding na ikinalulungkot ng pamunuan at mga bumubuo sa Radio Veritas 846 ang pagpanaw ng isa mga itinuturing na bayani ng EDSA people power revolution.
Nagpaabot naman ng pakikiisa at pakikidalamhati ang Radio Veritas 846 sa mga mahal sa buhay ni Rev.Fr. Laureano Balverde Faraon o mas kilalang Fr.Larry Faraon.
Si Fr. Faraon ay naging Station Manager ng Radio Veritas noong 1986 EDSA people power revolution at naging Priest anchor ng programang Healing Touch sa Radio Veritas bago ito pumanaw sa edad na 64-taong gulang dahil sa sakit na “pneumonia”.
Ganap na 3:06 ng madaling araw ng bawian ng buhay si Fr. Faraon.
Ipinanganak si Fr. Larry sa San Antonio Binan Laguna noong ika-4 ng Hulyo, 1956.
Nagtapos ito ng Bachelor of Arts, Bachelor in Theology at Master of Arts in Religious Education with specialization in Media sa University of Sto.Tomas.