2,023 total views
Biyernes ng Ika-2 Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
o kaya Paggunita kay San Juan Diego
Isaias 48, 17-19
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Ang sumusunod sa Poon
ay sa liwanag hahantong.
Mateo 11, 16-19
Friday of the Second Week of Advent (Violet)
or Optional Memorial of St. Juan Diego, Hermit (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 48, 17-19
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ganito ang sabi ng Banal ng Israel,
ng Panginoon mong sa iyo’y tumubos:
“Ako ang Panginoong iyong Diyos.
Tuturuan kita para ka umunlad,
papatnubayan kita saan ka man pumunta.
Kung sinusunod mo lang ang mga utos ko,
pagpapala sana’y dadaloy sa iyo,
parang ilog na di natutuyo ang agos.
Tagumpay mo sana ay sunud-sunod,
parang dating ng alon sa dalampasigan.
Ang lahi mo sana’y
magiging sindami ng buhangin sa dagat,
at tinitiyak kong
hindi sila mapapahamak.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6
Ang sumusunod sa Poon
ay sa liwanag hahantong.
Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubuhay sa gabi at araw.
Ang sumusunod sa Poon
ay sa liwanag hahantong.
Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitityak na magtatagumpay.
Ang sumusunod sa Poon
ay sa liwanag hahantong.
Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.
Ang sumusunod sa Poon
ay sa liwanag hahantong.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Ang Panginoo’y darating
siya’y ating salubungin
s’ya’y kapayapaan natin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 16-19
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ngayon? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw! Nanambitan kami, ngunit hindi kayo tumangis!’ Sapagkat naparito si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at sinasabi nila, ‘Inaalihan siya ng demonyo!’ Naparito rin ang Anak ng Tao, na kumakain at umiinom, at sinasabi naman nila, ‘Masdan ninyo ang taong ito! Matakaw at naglalasing, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng kanyang mga gawa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Biyernes
May pananampalatayang ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Amang nagnanais na ang lahat ng tao ay magpaunlak sa kanyang paanyaya sa piging ng buhay na walang hanggan sa Langit.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ilapit mo kami sa iyo.
Ang Simbahan dito sa lupa nawa’y magpatuloy sa paglago at manghikayat ng higit na maraming mga tao sa piging ng Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mayayaman at gayundin ang mahihirap nawa’y hindi humanap ng mga dahilan upang maiwasan ang tawag ng Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y tumugon nang tapat sa panawagan na magsisi sa kasalanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayong lahat nawa’y magtalaga ng ating mga sarili sa pagtataguyod ng layunin ng Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y mamuhay sa tahanan ng Panginoon at magdiwang sa piging ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, inaanyayahan mo kami upang makasama mo sa iyong Kaharian. Sa aming pananalangin para sa aming kapwa, tulungan mo kaming maisama sila sa piging na inihanda ng iyong Anak na si Jesu-Kristong aming Panginoon. Amen.