6,091 total views
Biyernes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Filipos 3, 17 – 4, 1
Salmo 121, 1-2. 3-4a. 4b-5
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Lucas 16, 1-8
Friday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Filipos 3, 17 – 4, 1
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Kami ang gawin ninyong huwaran. Masdan ninyo ang lahat ng sumusunod sa mga halimbawang ito. Tulad ng malimit kong sabihin sa inyo – at ngayo’y luhaang inuulit ko – marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Kristo. Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya at ang pinag-uukulan lang nila ng pansin ay ang mga bagay na panlupa. Sa kabilang dako, ang langit ang tunay nating bayan. Mula roo’y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Hesukristo, ang ating Tagapagligtas. Pagdating ng araw na yaon, babaguhin niya ang ating katawang-lupa at gagawing maluwalhati, tulad ng kanyang katawan, sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay.
Kaya nga, minamahal kong mga kapatid – aking kagalakan at karangalan na lagi kong kinasasabikang makita uli – magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 3-4a. 4b-5
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Yaong Jerusalem, kay ganda ng anyo,
maganda ang ayos nang muling matayo.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
Ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.
Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.
ALELUYA
1 Juan 2, 5
Aleluya! Aleluya!
Lubos na magtatamasa
ng pag-ibig ng D’yos Ama
ang sumunod sa Anak n’ya.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 16, 1-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “May isang mayaman na may isang katiwala. Isinumbong sa kanya na nilulustay nito ang kanyang ari-arian. Kaya’t ipinatawag niya at tinanong: ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa inyo? Isulit mo sa akin ng buo ang pangangasiwa mo sa aking ari-arian pagkat mula ngayon ay hindi na ikaw ang katiwala ko.’ Nawika ng katiwala sa sarili, ‘Aalisin na ako ng aking panginoon sa pangangasiwa. Ano ang gagawin ko? Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. A, alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa, may tatanggap din sa akin sa kanilang tahanan.’ Isa-isa niya ngayong tinawag ang mga may utang sa kanyang panginoon. Tinanong niya ang una, ‘Gaano ang utang mo sa aking panginoon?’ Sumagot ito, ‘Sandaang tapayang langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka’t gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Sandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ wika niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ Pinuri ng panginoon ang magdarayang katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Manalangin tayo sa Ama na tumawag sa atin upang maging mga tapat na tagapangalaga tayo sa paggamit ng mga biyaya ng daigdig para sa kabutihan ng lahat.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Guro, pakinggan mo ang aming panalangin.
Ang Simbahan nawa’y maging mulat sa kanyang responsibilidad na isulong ang katarungang panlipunan sa sambayanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga opisyal ng gobyerno nawa’y maging karapat-dapat sa pagtitiwala ng mga tao at huwag magnais ng makasariling kabutihan sa kanilang pagsasakatuparan ng kanilang tungkulin, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga may patrabaho at ang mga manggagawa nawa’y maging tapat at magalang sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y mabigyan ng biyaya ng pagtitiis sa kanilang karamdaman, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y umani ng bunga ng kanilang pagpapagal sa walang hanggang Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, tulungan mo kaming mga tapat mong tagapangalaga ng iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.