5,694 total views
Huwebes ng Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Filipos 3, 3-8a
Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7
Ang may pusong tapat sa D’yos
ay may kagalakang lubos.
Lucas 15, 1-10
Thursday of the Thirty-first Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Filipos 3, 3-8a
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos
Mga kapatid, alalahanin ninyong hindi sila kundi tayo ang tunay na tuli, sapagkat hindi tayo nanghahawak sa mga panlabas na tuntunin. Ang pagsamba natin sa Diyos ay sa Espiritu at na kay Kristo Hesus ang ating kagalakan. Kung sabagay, mayroon akong sapat na dahilan upang manghawak sa mga panlabas na tuntunin. Kung iniisip ninuman na may katwiran siyang magtiwala sa ganitong gawain, lalo na ako. Tinuli ako sa ikawalong araw mula nang ako’y isilang. Ako’y katutubong Hebreo, tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin. Kung pagsunod sa kautusan ang pag-uusapan, ako’y Pariseo. At sa sigasig ng aking pagsunod, inusig ko ang simbahan. Kung sa pagiging matuwid naman ayon sa kautusan, walang maipipintas sa akin. Ngunit dahil kay Kristo, ang mga bagay na maaari kong ibilang na pakinabang ay inari kong kalugihan. Oo, inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Kristo Hesus na aking Panginoon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 2-3. 4-5. 6-7
Ang may pusong tapat sa D’yos
ay may kagalakang lubos.
o kaya: Aleluya.
Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya.
Ang may pusong tapat sa D’yos
ay may kagalakang lubos.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa,
ang kanyang paghatol, gayun din ang kanyang ginawang himala.
Ang may pusong tapat sa D’yos
ay may kagalakang lubos.
Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.
Ang may pusong tapat sa D’yos
ay may kagalakang lubos.
ALELUYA
Mateo 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Kayong mabigat ang pasan
ay kay Hesus maglapitan
upang kayo’y masiyahan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 15, 1-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, ang mga publikano at ang mga makasalanan ay nagsisilapit upang makinig kay Hesus. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga eskriba. Ang sabi nila, “Ang taong ito’y nakikisalamuha sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus ang talinghagang ito.
“Kung ang sinuman sa inyo ay may sandaang tupa, at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan, hindi ba? Kapag nasumpungan na’y masaya niyang papasanin ito. Pagdating ng bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang tupa kong nawawala!’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi’t tumatalikod sa kanyang kasalanan kaysa siyamnapu’t siyam na matuwid na hindi nangangailangang magsisi.
“O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Sisindihan niya ang ilaw, wawalisan ang bahay at hahanaping mabuti hanggang sa masumpungan ito, hindi ba? Kapag nasumpungan na ito ay aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay. Sasabihin niya, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko sa wakas ang nawala kong salaping pilak!’ Sinasabi ko sa inyo, gayun din ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisi’t tumalikod sa kanyang kasalanan.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Ang Panginoon ang pastol na nakakikilala sa bawat isa sa atin sa ating pangalan. Ialay natin ang ating mga panalangin sa Diyos, nagtitiwala sa kanyang personal na pag-ibig sa atin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, sa iyong dakilang pag-ibig, tugunin mo kami.
Ang Simbahan nawa’y maging buhay na tanda ng tunay na pagkalinga at buong pagmamahal na pagtingin sa mga tinanggihan ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga humiwalay na sa daan ng kabutihan nawa’y marinig ang tinig ni Kristo ang Mabuting Pastol na tinatawag silang bumalik muli, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataang naligaw sa bisyo, krimen, o ipinagbabawal na gamot nawa’y matagpuan ang kanilang tunay na sarili at dangal at magbalik sa tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapatawad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa o sinusubok ng karamdaman nawa’y mapagtanto na mahal sila ng Diyos sa pamamagitan ng pagkalinga at atensyon na ating ibinibigay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao na dumaan sa “pintuan ng kawan” nawa’y magbunyi kasama ng Pastol at bantay ng kanilang kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Pinakamahinahong Ama, akayin mo kami sa tamang daan. Pakinggan mo ang aming mga panalangin, basbasan mo ang bawat isa sa amin sa pamamaraang ikaw ang pinakamabuting nakaaalam. Makasunod nawa kami saan mo man kami dalhin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.