Linggo, Hunyo 8, 2025

SHARE THE TRUTH

 2,663 total views

Linggo ng Pentekostes (K)

Mga Gawa 2, 1-11
Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

1 Corinto 12, 3b-7. 12-13
o kaya Roma 8, 8-17
Juan 20, 19-23
o kaya Juan 14, 15-16. 23b-26

Pentecost Sunday (Red)

UNANG PAGBASA
Mga Gawa 2, 1-11

Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol

Nang sumapit ang araw ng Pentekostes, nagkatipon silang lahat sa isang lugar. At biglang narinig ang isang ugong mula sa langit, animo’y hagunot ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang wari’y mga dilang apoy na lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.

May mga Judiong buhat sa iba’t-ibang bansa, na naninirahan noon sa Jerusalem, mga taong palasamba sa Diyos. Nang marinig ang ugong na ito, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat sinasalita ng mga alagad ang mga wika nila. Sa kanilang pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba Galileo silang lahat? Bakit ang atin-ating katutubong wika ang naririnig natin sa kanila? Tayo’y mga taga-Partia, mga taga-Media, mga taga-Elam; mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocia sa Ponto, at sa Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Panfilia, Egipto at sa mga saklaw ng Libia na sakop ng Cirene, at mga nakikipanirahang mula sa Roma, maging mga Judio at mga naakit sa Judaismo. May mga taga-Creta at Arabia pa rito. Paano sila nakapagsasalita sa ating-ating wika tungkol sa mga kahanga-hangang gawa ng Diyos.”

Ang Salita ng Diyos.

SAMONG TUGUNAN
Salmo 103, 1ab at 24ak. 29bk-30. 31 at 34

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

o kaya: Aleluya!

Pinupuri ka Poong Diyos nitong aking kaluluwa,
O Panginoong Diyos, kay dakila mong talaga!
Sa daigdig ikaw Poon, kay rami ng iyong likha,
sa daming nilikha mo’y nalaganapan ang lupa.

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Natatakot mangamatay kung kitlin mo ang hininga;
mauuwi sa alabok, pagkat doon mula sila.
Taglay mo ang Espiritu upang buhay ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

Sana ang ‘yong karangala’y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama’y kagalakan.
Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
habang aking inaawit ang papuri sa Maykapal.

Espiritu mo’y suguin,
Poon, tana’y ‘yong baguhin.

IKALAWANG PAGBASA
1 Corinto 12, 3b-7. 12-13

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Corinto

Mga kapatid:
Hindi masasabi ninuman, “Panginoon si Hesus,” kung hindi siya pinapatnubayan ng Espiritu Santo.

Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba’t iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba’t iba ang mga gawain ngunit iisa lamang ang Diyos na sumasalahat ng taong gumagawa ng mga iyon. Ang bawat isa’y binigyan ng kaloob na naghahayag na sumasakanya ang Espiritu, para sa ikabubuti ng lahat.

Sapagkat si Kristo’y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi; bagamat binubuo ng iba’t ibang bahagi, iisa pa ring katawan. Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay bininyagan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.

Ang Salita ng Diyos.

o kaya:
Roma 8, 8-17

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid: Ang mga nabubuhay ayon sa laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Kristo’y wala sa isang tao, hindi siya kay Kristo. Ngunit kung nasa inyo si Kristo, bagamat patay na ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil sa pinawalang-sala na kayo. Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Hesukristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa laman ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga gawa ng laman, mabubuhay kayo. Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot. Ang tinanggap ninyo ay espiritu ng pagiging anak, at ito ang nagbibigay sa atin ng karapatang tumawag ng “Ama! Ama ko!” Ang Espiritu nga ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Diyos. At yamang mga anak, tayo’y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Kristo. Sapagkat kung tayo’y nakikipagtiis sa kanya, tayo’y dadakilain ding kasama niya.

Ang Salita ng Diyos.

AWIT TUNGKOL SA MABUTING BALITA

Halina, Espiritu,
sa sinag buhat sa ‘yo
kami’y liwanagan mo.

Ama ng maralita,
dulot mo’y pagpapala
upang kami’y magkusa.

Kaibiga’t Patnubay,
sa amin mananahan
ang tamis ng ‘yong buhay.

Ginhawang ninanais,
lilim namin sa init,
kapiling bawat saglit.

Lubhang banal na ilaw,
kami’y iyong silayan
ngayon at araw-araw.

Kapag di ka nanahan
ay walang kaganapan
ang buhay nami’t dangal.

Marumi’y palinisin,
lanta’y panariwain,
sakit nami’y gamutin.

Kami’y gawing matapat,
sa pag-ibig mag-alab,
lagi sa tamang landas.

Tugunin aming luhog,
kami’y bigyang malugod
ng ‘yong pitong kaloob.

Gantimpala’y ibigay,
sa hantungan ng buhay
ligayang walang hanggan.

ALELUYA

Aleluya! Aleluya!
Espiritung aming Tanglaw,
kami’y iyong liwanagan
sa ningas ng pagmamahal.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Juan 20, 19-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Kinagabihan ng Linggo ding iyon, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakapinid ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Hesus at tumayo sa gitna nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita ang Panginoon. Sinabi na naman ni Hesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman, sinusugo ko kayo.” Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga; ang hindi ninyo patawarin ay hindi nga pinatawad.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

o kaya:
Juan 14, 15-16. 23b-26

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos. Dadalangin ako sa Ama, at kayo’y bibigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman.

“Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya. Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita. Hindi akin ang salitang narinig ninyo, kundi sa Amang nagsugo sa akin.

“Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito samantalang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Dakilang Kapistahan ng Pentekostes

Hatid ng kabatirang kailangan natin ang Espiritu Santo upang maharap ang mga paghamon sa pamumuhay natin bilang Kristiyano, manalangin tayo sa Panginoon:

Halina, Espiritu Santo, kailangan Ka namin!

Nawa ang Simbahang Katolika ay laging maging kasangkapan para sa pagbabalik-loob at tagapagtaguyod ng pagkakaisa. Manalangin tayo!

Nawa ang Santo Papa at lahat ng ibang pinuno ng Simbahan ay maging inspirasyon ng kanilang pinamumunuan. Manalangin tayo!

Nawa‘y lahat ng nagtuturo ay makapagpunla ng tunay na makatao at Kristiyanong mga pagpapahalaga sa kanilang mga tinuturuan, manalangin tayo!

Nawa lahat ng mga pinunong pambayan sa mundo, lalo na sa bayan natin, ay patnubayan ng malasakit sa kagalingang panlahat. Manalangin tayo!

Nawa tayong nahaharap sa mga pagsubok ay makatagpo sa ating pamayanan ng kailangan nating tulong. Manalangin tayo!

Upang ang bawa’t isa sa atin ay makatagpo ng tunay na katiwasayan sa personal na pakikipagniig sa Panginoon, at sa gabay ng Banal na Puso ay matuto rin tayong magdalang-habag sa buong daigdig, manalangin tayo!

Espiritu ng buhay at kabanalan, gabayan Mo ang aming mga puso sa landas ng pag-ibig at paglilingkod nang kami’y maging mabisang kasangkapan sa pagtatatag ng Kaharian kung saan Ka nabubuhay at naghahari kasama ng Ama at ng Panginoong Hesukristo magpasawalang hanggan. Amen!

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

4Ps ISSUES

 13,117 total views

 13,117 total views Taong 2008 ng ilunsad ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ganap na naging institutionalized noong 2019 sa pamamagitan ng Republic Act 11310

Read More »

Health emergency dahil sa HIV

 27,761 total views

 27,761 total views Mga Kapanalig, naaalarma ang ating Department of Health (o DOH) sa pagtaas ng kaso ng mga Pilipinong may human immunodeficiency virus (o HIV),

Read More »

Suweldong hindi nakasasabay sa realidad

 42,063 total views

 42,063 total views Mga Kapanalig, nag-adjourn o nagsarado na ang 19th Congress nang hindi niraratipikahan ang isang panukalang batas na layong itaas ang suweldo ng mga

Read More »

K-12 ba ang problema?

 58,765 total views

 58,765 total views Mga Kapanalig, balik-eskuwela na para sa ating mga estudyante sa mga pampublikong paaralan at ilang pribadong eskuwelahan. Kasabay nito ang muling pag-ingay ng

Read More »

HOUSING CRISIS

 104,630 total views

 104,630 total views Magkaroon ng sariling bahay.. ito ang pangarap ng marami sa ating mga Pilipino.. Ika nga, pinapangaral ng mga magulang sa anak na bago

Read More »

Watch Live

RELATED READINGS

Sabado, Hunyo 21, 2025

 1,592 total views

 1,592 total views Paggunita kay San Luis Gonzaga, namanata sa Diyos 2 Corinto 12, 1-10 Salmo 33, 8-9. 10-11. 12-13 Magsumikap tayong kamtin ang Panginoong butihin.

Read More »

Biyernes, Hunyo 20, 2025

 2,512 total views

 2,512 total views Biyernes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 2 Corinto 11, 18. 21b-30 Salmo 33, 2-3. 4-5. 6-7 Mat’wid ay tinutulungan sa lahat

Read More »

Huwebes, Hunyo 19, 2025

 4,824 total views

 4,824 total views Huwebes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) o kaya Paggunita kay San Romualdo, abad 2 Corinto 11, 1-11 Salmo 110, 1-2. 3-4. 7-8

Read More »

Miyerkules, Hunyo 18, 2025

 2,117 total views

 2,117 total views Miyerkules ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 2 Corinto 9, 6-11 Salmo 111, 1-2. 3-4. 9 Mapalad s’ya na may takot sa

Read More »

Martes, Hunyo 17, 2025

 5,224 total views

 5,224 total views Martes ng Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 2 Corinto 8, 1-9 Salmo 145, 2. 5-6. 7. 8-9a. Kalul’wa ko, ‘yong purihin ang

Read More »

LATEST NEWS

Latest News
Reyn Letran - Ibañez

Obispo, dismayado sa Duterte Senators

 16,368 total views

 16,368 total views Dismayado si Cubao Bishop Elias Ayuban Jr. CMF sa mga Senador na tahasang nagpahayag at nangako ng suporta kay Vice President Sara Duterte

Read More »
Scroll to Top