424 total views
Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Habacuc 1, 2-3; 2, 2-4
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
2 Timoteo 1, 6-8. 13-14
Lucas 17, 5-10
Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Habacuc 1, 2-3; 2, 2-4
Pagbasa mula sa aklat ni Propeta Habacuc
Panginoon, hanggang kailan ako daraing sa iyo, at di mo diringgin?
Hanggang kailan mo babayaang mamayani ang karahasan?
Bakit ang ipinakikita mo sa akin ay pawang kasamaan at kahirapan?
Sa magkabi-kabila’y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan;
laganap ang hidwaan at pagtatalo.
At ito ang tugon ng Panginoon:
“Isulat mo ang pangitain;
isulat mong malinaw sa mga tapyas ng bato,
upang madaling mabasa at ibalita sa lahat.
Sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon upang maganap ang pangitain;
mabilis na dumarating ang wakas hindi ito maliliban.
Ngunit tiyak na magaganap, kung ito ma’y nagtatagal.
Masdan mo, ang hambog ay mabibigo sa kanyang kapalaluan,
ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa kanyang katapatan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 94, 1-2. 6-7. 8-9
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit
sa ‘ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan
ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit,
sa kanyang harapan na may pasalamat,
Siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Tayo ay lumapit,
sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos,
tayo ay kalinga niyang mga hirang,
mga tupa tayong inaalagaan.
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagamat nakita
aking aking ginawang sila’ng nakinabang.”
Panginoo’y inyong dinggin,
huwag n’yo s’yang salungatin.
IKALAWANG PAGBASA
2 Timoteo 1, 6-8. 13-14
Pagbasa mula sa ikalawang sulat ni Apostol San Pablo kay Timoteo
Pinakamamahal ko, ipinaaalaala ko sa iyo na maging masigasig ka sa pagtupad sa tungkuling tinanggap mo sa Diyos nang ipatong ko ang aking mga kamay sa ulo mo. Sapagkat hindi espiritu ng kaduwagan ang ibinibigay sa atin ng Diyos kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at pagpipigil sa sarili.
Kaya’t huwag mong ikahihiya ang pagpapatotoo tungkol sa Panginoon o ang aking pagkabilanggo dahil sa kanya. Sa halip, makihati ka sa kahirapan dahil sa Mabuting Balita.
Gawin mong batayan ang mga aral na itinuro ko sa iyo yamang ang mga ito’y pawang katotohanan. Manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pakikipag-isa kay Kristo Hesus. Sa tulong ng Espiritu Santong nananahan sa atin, ingatan mo ang lahat ng ipinagkatiwala sa iyo.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
1 Pedro 1, 25
Aleluya! Aleluya!
Balita sa inyo ngayo’y
salita ng Panginoong
iiral habang panahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 17, 5-10
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananalig sa Diyos.” Tumugon ang Panginoon, “Kung maging sinlaki man lamang ng butil ng mustasa ang inyong pananalig sa Diyos, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, “Mabunot ka, at matanim sa dagat” at tatalima ito sa inyo.
“Ipalagay nating kayo’y may aliping nag-aararo, o nagpapastol kaya ng tupa. Pagkagaling niya sa bukid, sasabihin ba ninyo sa kanya, ‘Halika at nang makakain ka na’? Hindi.’ Sa halip ay ganito ang sinasabi ninyo: ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan; magbihis ka, at silbihan mo ako habang ako’y kumakain. Kumain ka pagkakain ko.’ Pinasasalamatan ba ang alipin dahil sa ginawa niya ang iniutos sa kanya? Gayun din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniutos sa inyo, sasabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumupad lamang kami sa aming tungkulin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-27 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Sa hamon ng Panginoong lumago tayo sa pananampalataya, at nagtitiwala sa Kanyang mahabaging pag-ibig , idulog natin ang ating mga kahilingan:
Panginoon, pagtibayin Mo ang aming pananampalataya!
Para sa Simbahan, ang mag-anak ng mga tapat na sumasampalataya sa buong daigdig: Nawa, patnubayan siyang lagi ng pananalig na nakatuon sa kalinga ng Diyos, maging sa mga mahirap maunawaang pangyayari. Manalangin tayo!
Para sa Santo Papa, mga obispo, at mga pari: Nawa, patuloy silang maging inspirasyon natin sa kanilang matatag na pananampalataya at pagsisikap para sa kabutihan ng mga inihabilin sa kanilang pangangalaga. Manalangin tayo!
Para sa mga nanghihina dahil sa sakit o malalaking pagkabigo: Nawa, palakasin sila ng kanilang pananalig sa masuyo at matalinong Diyos sa kanilang pagpapanibagong buhay. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng misyonero: Nawa, huwag silang panghinaan ng loob sanhi ng babahagyang kapalit ng kanilang paggawa, kundi patuloy na magtiwala sa Panginoong tanging nakababatid sa takdang oras ng pag-aani. Manalangin tayo!
Para sa lahat ng nakalaang magtanggol sa mahihina’ t api at magtaguyod sa katarungang panlipunan: Nawa, magtagumpay ang kanilang pagsisikap sa tulong ng makapangyarihang Diyos. Manalangin tayo!
Para sa ating kabataang likas na naniniwala sa kanilang sarili lamang: Nawa, alalahanin nilang Diyos ang tanging bukal ng lahat ng lakas at ang bawat tao ay mga abang lingkod lamang. Manalangin tayo!
Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumahimik sandali.)
Manalangin tayo!
Panginoon, sa Iyo ang larangan kung saan kami tinatawag para maglingkod, at sa Iyo rin ang lakas na kailangan namin upang kami’y mabungang makapaglingkod. Pagkalooban Mo kami ng kababaang-loob para tanggapin ito at ng lakas ng loob para magsikap sa paglilingkod sa Iyo. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen!