5,754 total views
Lunes ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Sirak 17, 20-28
Salmo 31, 1-2. 5. 6. 7
Sambayanang tapat sa D’yos
ay magpupuring malugod.
Marcos 10, 17-27
Monday of the Eighth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Sirak 17, 20-28
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Laging tinatanggap ng Diyos ang nagbabalik-loob,
at inaaliw ang nawawalan ng pag-asa.
Iwan mo na ang kasalana’t lumapit ka sa Panginoon,
magmakaamo ka sa kanya at mapapawi ang iyong sala.
Manumbalik ka na sa Kataas-taasaan;
talikuran mo na ang gawang masama,
at kamuhian mo ang kanyang kinasusuklaman.
Sino ang magpupuri sa Panginoon sa daigdig ng mga patay?
Ang mga buhay lamang ang maaaring magpuri sa kanya.
Ang mga patay, sapagkat sila’y wala na, ay di maaaring magpuri sa Panginoon;
mga buhay lamang at malulusog ang maaaring magpuri sa kanya.
Kay laki ng pagkahabag ng Panginoong;
anong dali niyang magpatawad sa nagbabalik-loob sa kanya!
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 31, 1-2. 5. 6. 7
Sambayanang tapat sa D’yos
ay magpupuring malugod.
Mapalad ang tao na pinatawad na yaong kasalanan,
at nalimot na rin ang kanyang nagawang mga pagsalansang;
mapalad ang taong sa harap ng Poon ay di naparatangan
dahilan sa siya ay di nagkasala at hindi nanlinlang.
Sambayanang tapat sa D’yos
ay magpupuring malugod.
Ako ay lumapit sa iyong harapan at sala’y inamin,
ang aking ginawang mga pagsalansang di ko inilihim;
pinagpasiyahan kong ang lahat ng ito sa iyo’y idaing,
at aking natamo ang iyong patawad sa sala kong angkin.
Sambayanang tapat sa D’yos
ay magpupuring malugod.
Ang lahat ng tapat, sa panahong gipit dapat manalangin,
upang bumugso man ang malaking baha’y di sila abutin.
Sambayanang tapat sa D’yos
ay magpupuring malugod.
Kublihan ko’y ikaw, ikaw ang sasagip kung nababagabag,
aking aawitin ang pagkakalinga at ‘yong pagliligtas.
Sambayanang tapat sa D’yos
ay magpupuring malugod.
ALELUYA
2 Corinto 8, 9
Aleluya! Aleluya!
Si Kristo ay naging dukha
upang tayo’y managana
sa bigay n’yang pagpapala.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 10, 17-27
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, nang paalis na si Hesus ay may isang lalaking patakbong lumapit, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Hesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos. Alam mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang magsisinungaling sa iyong pagsaksi; huwag kang magdadaya; igalang mo ang iyong ama’t ina,’” “Guro,” sabi ng lalaki, “ang lahat po ng iya’y tinutupad ko na mula pa sa aking pagkabata.” Magiliw siyang tinitigan ni Hesus, at sinabi sa kanya, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” Namanglaw ang lalaki nang marinig ito, at malungkot na umalis, sapagkat siya’y napakayaman.
Tiningnan ni Hesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa kanyang mga alagad, “Napakahirap mapabilang ang mayayaman sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Nagtaka ang mga alagad sa pananalitang ito. Muling sinabi ni Hesus, “Mga anak, talagang napakahirap mapabilang sa mga pinaghaharian ng Diyos! Madali pang makaraan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa pasakop sa paghahari ng Diyos ang isang mayaman.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya’t sila ‘y nagtanungan. “Kung gayo’y sino ang maliligtas?” Tinitigan sila ni Hesus at sinabi sa kanya, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit hindi ito mahirap sa Diyos. Magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes
Manalangin tayo ngayon sa ating Diyos Ama para sa katatagan na mapaglabanan natin ang mga tukso ng kayamanan at kasiguruhan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, mapasaamin nawa ang kaharian mo.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na magbigay ng kalinga at suporta sa mga napapabayaan at mga naghihirap ng ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tinatawag na tagasunod ni Kristo nawa’y kanilang mapagtanto na mas mahalaga sa buhay ang pagkalinga sa iba at pangangalaga sa mga kapuspalad kaysa sa sarili, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng tao nawa’y matagpuan ang karunungan na unahin ang paghahanap sa Kaharian ng Diyos at ialay ang kanilang buhay sa paglilingkod sa Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y mabigyang kasiyahan at kalakasan ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong kamag-anak at kaibigan nawa’y makasalo sa kasiyahan ng tagumpay ni Kristo sa Kaharian ng Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Makalangit na Ama, bigyan mo kami ng kalakasan ng loob na mamuhay sa karukhaan sa Espiritu at sumunod sa halimbawa ni Kristo na naging dukha upang kami ay umunlad. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.