14 total views
Martes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Mga Gawa 11, 19-26
Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7
Purihin ng tanang bansa
ang Panginoong Dakila.
Juan 10, 22-30
Tuesday of the Fourth Week of Easter (White)
UNANG PAGBASA
Mga Gawa 11, 19-26
Pagbasa mula sa Mga Gawa ng Mga Apostol
Noong mga araw na iyon, ang mga mananampalataya ay nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula nang patayin si Esteban. May nakarating sa Fenicia, sa Chipre at sa Antioquia. Saan man sila makarating, ipinangangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. Subalit may kasama silang ilang taga-Chipre at taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral naman sa mga Griego ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus. Sumakanila ang kapangyarihan ng Panginoon at maraming naniwala at nanalig sa Panginoon.
Nabalitaan ito ng simbahan sa Jerusalem, kaya’t sinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya’y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at matibay ang pananampalataya, kaya marami siyang nadala sa Panginoon.
Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama sa Antioquia. Isang taong singkad silang nanatili roong kasakasama ng simbahan, at nagturo sa maraming tao. At doon sa Antioquia unang tinawag na Kristiyano ang mga alagad.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 86, 1-3. 4-5. 6-7
Purihin ng tanang bansa
ang Panginoong Dakila.
Sa Bundok ng Sion,
itinayo ng Diyos ang banal na lungsod,
ang lungsod na ito’y
higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob.
Kaya’t iyong dinggin
ang ulat sa iyong mabubuting bagay,
O lungsod ng Diyos.
Purihin ng tanang bansa
ang Panginoong Dakila.
“Pag itinala ko
yaong mga bansang sa iyo’y sasama,
aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia;
ibibilang ko rin yaong Filistia, Tiro at Etiopia.
“At tungkol sa Sion,
yaong sasabihi’y, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan,
siya’y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.”
Purihin ng tanang bansa
ang Panginoong Dakila.
Ang Poon ay gagawa,
ng isang talaan ng lahat ng taong doo’y mamamayan,
ang lahat ng ito ay magsisiawit at pawang sasayaw.
Purihin ng tanang bansa
ang Panginoong Dakila.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Juan 10, 22-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan
Taglamig na noon. Kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng templo. Naglalakad si Hesus sa templo, sa Portiko ni Solomon. Pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami pag-aalinlanganin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo na nang tiyakan.” Sumagot si Hesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa ngalan ng aking Ama ay nagpapatotoo tungkol sa akin. Ngunit ayaw ninyong maniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak; hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama, na nagbigay sa kanila sa akin, ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay
Martes
Pinagkakalooban ng Diyos ng buhay na walang hanggan ang mga tupang kabilang sa kanyang kawan. Manalangin tayo sa Ama, taglay ang pagtitiwala na hindi tayo mawawalay sa kanyang pangangalaga.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Pastol, panatilihin Mo kaming
kabilang sa iyong kawan.
Ang Santo Papa at mga obispo nawa’y maging mga tunay na pastol sa pamamagitan ng pag-akay sa kanilang kawan sa luntiang pastulan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nalihis sa landas ng kabutihan nawa’y maakay pabalik sa kawan ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga kabataan nawa’y marinig ang tinig ng Mabuting Pastol na tumatawag sa kanila upang maglingkod sa pamilya ng Diyos sa isang natatanging paraan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maranasan ang kabutihan ng Mabuting Pastol sa pamamagitan ng mapagmahal na pangangalaga ng kanilang mga pamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y akayin ni Kristo, ang Mabuting Pastol upang sila ay makarating nang ligtas sa tahanang walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, dinggin mo ang aming mga panalangin. Pagpalain mo ang bawat isa sa amin sa paraang ikaw ang higit na nakababatid. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Fatima
Isaias 61, 9-11
Salmo 44, 11-12. 14-15. 16-17
O kab’yak ng hari namin,
ang payo ko’y ulinigin.
Lucas 11, 27-28
Memorial of Our Lady of Fatima (White)
UNANG PAGBASA
Isaias 61, 9-11
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Itong lahi ng aking bayan
ay makikilala sa lahat ng bansa,
pati anak nila’y
makikilala rin sa gitna ng madla;
sila’y kikilanling anak ng Panginoon saanman makita,
at tatawaging bayang pinagpala, hinirang ng Panginoon.
At ang Jerusalem
sa ginawang ito’y pawang malulugod,
anaki’y dalagang gayak ay pangkasal,
siya’y parang dinamtan
ng kaligtasan at pagtatagumpay.
Kung paanong ang binhi
ay tiyak na tutubo at sisibol,
gayun ang pagliligtas ng Panginoon
sa bayang kanyang hinirang.
Dahil dito, lahat ng bansa
ay magpupuri sa kanya.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 44, 11-12. 14-15. 16-17
O kab’yak ng hari namin,
ang payo ko’y ulinigin.
O kabiyak nitong hari, ang payo ko’y ulinigin;
ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
siya’y iyong panginoon, marapat na iyong sundin.
O kab’yak ng hari namin,
ang payo ko’y ulinigin.
Ang prinsesa sa palasyo’y pagmasdan mo’t anong ganda;
sinulid na gintu-ginto ang niyaring damit niya.
Sa makulay niyang damit, sa hari ay pinapunta,
haharap sa haring yaong mga abay ay kasama.
O kab’yak ng hari namin,
ang payo ko’y ulinigin.
Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
na pumasok sa palasyo at sa hari ay humarap.
Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
kapalit ng ninuno mo sa sinumang mga lahi.
O kab’yak ng hari namin,
ang payo ko’y ulinigin.
ALELUYA
Aleluya! Aleluya!
Birheng Mariang mapalad,
dapat magpuri ang lahat
sa iyo at sa ‘yong Anak.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 11, 27-28
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, samantalang nagsasalita si Hesus sa mga tao, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan at nagsabi sa kanya, “Mapalad ang babaing nagdala sa inyo sa kanyang sinapupunan at nagpasuso sa inyo!” Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Mayo 13
Birhen ng Fatima
Inihandog sa atin ng Diyos ang kapayapaan ng pakikipagkasundo sa pamamagitan ni Jesus, ang Anak ni Maria. Ipanalangin natin na manatili sa atin ang kapayapaan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng Kapayapaan, basbasan Mo kami.
Ang mga pinuno ng Simbahan, sa ilalim ng pagtangkilik ng Birhen ng Fatima, nawa’y higit na mailapit ang Bayan ng Diyos kay Kristo at sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga pinuno sa buong mundo nawa’y patnubayan ni Maria, ang Birhen ng Fatima, sa kanilang pagsisikap na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan ang mga bansa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga Kristiyanong pamayanan nawa’y magsikap na makamit ang kapayapaan ni Kristo sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal at malasakit sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa sa mga espiritwal o pisikal na kahinaan nawa’y kahabagan ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y lukuban ng kapanyarihan ng Banal na Espiritu upang makita sa ating mundo ang handog ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, nalalaman namin na nagmumula sa iyo ang lahat ng mabubuting bagay. Ipagkaloob mo sa amin ang kapayapaan sa tulong ng makapangyarihang pamamagitan ni Maria. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.