3,382 total views
Martes ng Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Jonas 3, 1-10
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 7-8
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Lucas 10, 38-42
Tuesday of the Twenty-seventh Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Jonas 3, 1-10
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jonas
Sinabi uli ng Panginoon kay Jonas: “Pumunta ka sa Lungsod ng Ninive at ipahayag mo ang mga ipinasasabi ko sa iyo.” Nagpunta nga si Jonas sa Ninive. Malaki ang lungsod na ito. Aabutin ng tatlong araw kung lalakaring pabagtas. Siya’y pumasok sa lungsod.
Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Ninive pagkaraan ng apatnapung araw!” Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno sila at nagdamit ng sako bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.
Nang mabalitaan ito ng hari ng Ninive, bumaba siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit din ng sako, at naupo sa abo. At ipinasabi niya sa mga taga-Ninive: “Ito’y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang kakain isa man. Wala ring iinom, maging tao o hayop. Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng sako. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at talikdan ang masamang pamumuhay. Baka sa paraang ito’y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasiya at hindi na ituloy ang balak na paglipol sa atin.”
Nakita ng Diyos ang kanilang pagalikod sa kasamaan kaya hindi na itinuloy ang paggunaw sa Ninive.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 129, 1-2. 3-4ab. 7-8
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko’y Panginoon,
Panginoon, ako’y dinggin pagkat ako’y tumataghoy,
dinggin mo ang pagtawag ko’t paghingi ng iyong tulong.
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan,
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan.
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot,
pinatawad mo nga kami upang sa ‘yo ay matakot.
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
Magtiwala ka, Israel, magtiwala sa iyong Diyos,
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot,
lagi siyang nahahandang sa sinuman ay tumubos.
Ililigtas ang Israel, yaong kanyang mga hirang,
ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan.
Hiling nami’y ‘yong limutin
tanang kasalanan namin.
ALELUYA
Lucas 11, 28
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang sumusunod
sa salitang buhat sa D’yos
at namumuhay nang angkop.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 10, 38-42
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, pumasok si Hesus sa isang nayon. Malugod siyang tinanggap ng isang babaing nagngangalang Marta sa tahanan nito. Ang babaing ito’y may isang kapatid na Maria ang pangalan. Naupo ito sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang itinuturo. Alalang-alala si Marta sapagkat kulang ang kanyang katawan sa paghahanda, kaya’t lumapit siya kay Hesus at ang wika, “Panginoon, sabihin nga po ninyo sa kapatid kong tulungan naman ako.” Ngunit sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, naliligalig ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit isa lamang ang talagang kailangan. Pinili ni Maria ang lalong mabuti, at ito’y hindi aalisin sa kanya.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Tulad ng napag-alaman nina Maria at Marta, nabunyag kay Jesus ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na nananahan sa ating piling. Manalangin tayo sa Diyos na naririto at nakikinig sa atin.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, dalawin mo kami.
Ang Simbahan sa buong daigdig nawa’y maging bukas na tahanan para sa lahat ng maliliit nating mga kapatid, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga labis na abala sa mga bagay sa mundong ito na kumukupas nawa’y magkaroon ng pagpapahalaga sa pakikinig sa Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Katulad ni Maria, nawa’y piliin natin ang higit na mahalaga at tanggapin si Jesus sa ating puso at buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at naghihingalo nawa’y tumingin kay Kristo sa oras ng kanilang paghihirap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y manahan sa tahanan ng Diyos magpakailanman, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming Diyos, ipinadala mo ang iyong Anak na si Jesus upang ipakita sa amin ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Lagi nawa namin siyang tanggapin sa aming buhay at magkaroon siya ng puwang sa aming puso. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.