340 total views
Martes ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Efeso 5, 21-33
Salmo 127, 1-2. 3, 4-5
Mapalad ang sumusunod na
taong may takot sa D’yos.
Lucas 13, 18-21
Tuesday of the Thirtieth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Efeso 5, 21-33
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga kapatid, pasakop kayo sa isa’t isa tanda ng inyong paggalang kay Kristo.
Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Kristo na siyang ulo ng simbahan, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. Kung paanong nasasakop ni Kristo ang simbahan, gayon din naman, ang mga babae’y dapat pasakop nang lubusan sa kani-kanilang asawa.
Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Kristo sa simbahan. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito, upang ang simabaha’y italaga ng Diyos matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita. Ginawa niya ito upang maiharap sa kanyang sarili ang simbahan, marilag, banal, walang batik at walang anumang dungis o kulubot. Dapat mahalin ng mga lalaki ang kani-kanilang asawa tulad ng sariling nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan, bagkus ito’y pinakakain at inaalagaan, gaya ng ginagawa ni Kristo sa simbahan. Tayo’y mga bahagi ng kanyang katawan. “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila’y magiging isa.” Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito — ang kaugnayan ni Kristo sa simbahan ang tinutukoy ko. Subalit ito’y tumutukoy rin sa bawat isa sa inyo: mga lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang ninyo ang inyu-inyong asawa.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 127, 1-2. 3, 4-5
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Mapalad ang bawat tao na sa Diyos ay may takot,
ang maalab na adhika’y sumunod sa kanyang utos.
Hindi siya magkukulang sa anumang kailangan,
ang buhay ay maligaya’t uunlad ang kanyang buhay.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Sa tahanan, ang asawa’y parang ubas na mabunga.
Bagong tanim na olibo sa may dulang ang anak n’ya.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
Ang sinuman kung ang Diyos buong pusong susundin,
buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain.
Mula sa Sion, pagpapala nawa ng Diyos ay tanggapin,
at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem.
Mapalad ang sumusunod
na taong may takot sa D’yos.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 13, 18-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus, “Ano ang katulad ng paghahari ng Diyos? Saan ko ihahambing ito? Katulad ito ng isang butil ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito’y lumaki hanggang sa maging punongkahoy at namugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”
Sinabi pa ni Hesus, “Saan ko itutulad ang paghahari ng Diyos? Katulad ito ng lebadurang inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, anupat umalsa ang buong masa.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Martes
Tulad ng isang malaking puno na mayroong mayabong na mga sanga o tulad ng butil na matahimik na lumalaki, gayundin ang paglago ng Kaharian ng Langit. Sama-sama tayong manalangin bilang pakikibahagi natin sa mapagmahal na plano ng banal na kabutihan ng Diyos.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng buhay, gawin mo na makapagbigay-buhay ang aming buhay.
Ang Simbahan nawa’y patuloy na umunlad sa pamamagitan ng pagtanggap at pagbabahagi ng kaligtasan sa mga kultura at mga pinahahalagahan sa buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Yaong mga nasa programa ng pagpapaunlad ng ekonomiya nawa’y bigyang suporta ang mga magsasaka at yaong mga nagpapaunlad ng lupa nawa’y alagaan at igalang ang likas na kalikasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga pamilya, lalo na ang ating mga anak, nawa’y lumaki sa pamamaraan ng biyaya at umunlad na kawangis ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y maging matatag sa kanilang pananampalataya at mapalakas sa pamamagitan ng ating pag-aalaga at pagkalinga, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y masiyahan sa kapayapaan ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming maunawaan ang kahalagahan ng panahon ng aming pag-iral. Buksan mo ang aming puso sa iyong Salita upang maging mabunga kami lagi. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.