8,802 total views
Paggunita kay San Juan Bosco, pari
2 Samuel 24, 2. 9-17
Salmo 31, 1-2. 5. 6. 7
D’yos ko, ako’y patawarin
sa aking pagkasuwail.
Marcos 6, 1-6
Memorial of St. John Bosco, Priest (White)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
2 Samuel 24, 2. 9-17
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, inutusan ni David si Joab at lahat ng namumuno sa hukbo niya, “Gawin ninyo ang talaan ng bawat lipi ng Israel mula sa Dan hanggang Beer-seba, at dalhin ninyo agad sa akin.”
Iniulat ni Joab sa hari ang kabuuan ng lahat ng mga lalaking maaaring maglingkod sa hukbo. Sa Israel ay walundaanlibo at sa Juda naman ay limandaanlibo.
Matapos niyang ipatala ang mga tao, inusig siya ng kanyang budhi. Sinabi niya sa Panginoon, “Nagkasala ako nang malaki sa ginawa kong ito, patawarin po ninyo ako sa aking kahangalan.” Kinaumagahan, pagkagising ni david, sa utos ng Panginoon ay pumunta sa kanya si Propeta Gad.
Sinabi nito kay David, “Ito po ang ipinasasabi sa inyo ng Panginoon, ‘Mamili ka kung alin sa tatlong parusang ito ang ibig mong gawin ko sa iyo: Tatlong taong taggutom sa iyong lupain, tatlong buwang pag-uusig sa iyong mga kaaway o tatlong araw na salot!’ Alin ang gusto ninyo para masabi ko sa nagsugo sa akin?”
Sumagot si David, “Hirap na hirap ang aking kalooban sa nangyaring ito. Yamang mahabagin ang Panginoon, ang pipiliin ko’y ang tuwirang parusa niya, kaysa ako’y mahulog pa sa kamay ng mga tao.
Kaya’t ang Panginoon ay nagpadala ng salot sa Israel, anupa’t mula sa Dan hanggang Beer-seba, pitumpunlibong tao ang namatay. Nangyari ito mula nang umagang iyon hanggang sa taning na panahon. Nang iunat ng anghel ang kanyang kamay upang puksain ang mga taga-Jerusalem, sinaway siya ng Panginoon. Nagbago ang pasiya nito at sinabi, “Tama na! Huwag mo nang ituloy!” Ang anghel ng Panginoon ay nakatayo noon sa giikan ni Arauna, isang Jebuseo.
Nang makita ni David ang anghel, sinabi niya sa Panginoon, “Napakalaki ng pagkakasalang nagawa ko sa inyo at ang walang malay na mga tupang ito ang nagdurusa. Ako at ang aking sambahayan ang parusahan ninyo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 31, 1-2. 5. 6. 7
D’yos ko, ako’y patawarin
sa aking pagkasuwail.
Mapalad ang tao na pinatawad ng yaong kasalanan,
at nalimot na rin ang kanyang nagawang mga pagsalansang;
mapalad ang taong sa harap ng Poon ay di naparatangan
dahilan sa siya ay di nagkasala at hindi nanlinlang.
D’yos ko, ako’y patawarin
sa aking pagkasuwail.
Ako ay lumapit sa iyong harapan at sala’y inamin,
ang aking ginawang mga pagsalansang di ko inilihim;
pinagpasiyahan kong ang lahat ng ito sa iyo’y idaing,
at aking natamo ang iyong patawad sa sala kong angkin.
D’yos ko, ako’y patawarin
sa aking pagkasuwail.
Ang lahat ng tapat, sa panahong gipit dapat manalangin,
upang bumugso man ang malaking baha’y di sila abutin.
D’yos ko, ako’y patawarin
sa aking pagkasuwail.
Kublihan ko’y ikaw, ikaw ang sasagip kung nababagabag,
aking aawitin ang pagkakalinga at ‘yong pagliligtas
D’yos ko, ako’y patawarin
sa aking pagkasuwail.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 1-6
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa sariling bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Nagtaka ang maraming nakarinig sa kanya at nagtanong, “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga kababalaghan? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago at Jose, Judas at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At siya’y ayaw nilang kilanlin. Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon, maliban sa pagpapatong ng kanyang kamay sa ilang maysakit upang pagalingin ang mga ito. Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya. At nilibot ni Hesus ang mga nayon sa paligid upang magturo.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Tinanggihan si Jesus ng sariling niyang kababayan. May pananalig nating tanggapin siya bilang ating Panginoon at Tagapagligtas.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng karunungan at lakas, basbasan Mo kami.
Ang mga namumuno sa Simbahan nawa’y ipahayag ang Salita ng Diyos nang may katapangan at isabuhay ito nang may pananalig, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang lahat ng mga Kristiyano nawa’y maging maalab sa pagpapahayag ng Salita ng Diyos sa mundong hindi naniniwala sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga misyonero nawa’y magkaroon ng tiyaga at hindi manghina ang kalooban sa paghahasik ng mensahe ng Diyos sa mga pook na hindi bukas sa pagtanggap dito, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at yaong mga nabibigatan sa buhay nawa’y makita ang pag-ibig at pagkalinga ng Diyos sa pamamagitan ng malasakit ng kanilang mga kapamilya, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y magtamasa ng walang hanggang kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama, buksan mo ang aming mga puso sa iyong Salita. Patawarin mo kami sa mga pagkakataong tinanggihan naming makinig sa iyong katotohanan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.