3,495 total views
Paggunita kay San Ireneo, obispo at martir
Genesis 15, 1-12. 17-18
Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7. 8-9
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
Mateo 7, 15-20
Memorial of St. Irenaeus, Bishop and Martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Miyerkules ng Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
UNANG PAGBASA
Genesis 15, 1-12. 17-18
Pagbasa mula sa aklat ng Genesis
Noong mga araw na iyon, narinig ni Abram na sinabi sa kanya ng Panginoon:
“Abram, h’wag kang matatakot ni mangangamba man,
kalasag mo ako, kita’y iingatan at ikaw ay aking gagantimpalaan.”
Ngunit sinabi ni Abram, “Panginoon, ano pong gantimpala ang ibibigay mo sa akin? Wala naman akong anak! Wala akong tagapagmana kundi si Eliezer na taga-Damasco. Hindi mo ako pinagkalooban ng anak, kaya isa kong alipin ang magmamana ng aking ari-arian.”
Sinabi ng Panginoon, “Hindi alipin ang magmamana ng iyong ari-arian; anak mo ang magmamana ng iyong ari-arian; anak mo ang magmamana.” At inilabas siya nito at sinabi sa kanya: “Masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging anak mo at apo.” Nanalig si Abram, at dahil dito’y kinalugdan siya ng Panginoon.
Sinabi pa ng Panginoon kay Abram, “Ako ang kumuha sa iyo sa Ur ng Caldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito.” Itinanong naman ni Abram, “Panginoon, aking Diyos, paano ko malalamang ito’y magiging akin?”
Sinabi sa kanya, “Dalhan mo ako ng isang baka, isang kambing, at isang tupa, bawat isa’y tatlong taon ang gulang. Magdala ka rin ng isang kalapati at isang batubato.” Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon. Inihanay niyang magkakatapat ang pinaghating hayop. Bumaba ang mga buwitre upang kanin ito, ngunit itinaboy sila ni Abram.
Nang kumikiling na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at nagkaroon ng isang nakatatakot na pangitain.
Pagkalubog ng araw at laganap na ang dilim, biglang may lumitaw na palayok na umuusok, at maningas na sulo na dumaan sa pagitan ng pinatay na mga hayop. At nang araw na yaon, nakipagtipan ang Panginoon kay Abram, wika niya: “Nangangako ako na ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 104, 1-2. 3-4. 6-7. 8-9
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
o kaya: Aleluya.
Dapat na ang Diyos, itong Panginoon, ay pasalamatan,
ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa’y dapat ipaalam.
Siya ay purihin, suubin ng awit, ating papurihan,
ang kahanga-hangang mga gawa niya’y dapat na isaysay.
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya,
ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila,
lahat ng may nais maglingkod sa Poon, dapat na magsaya.
Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan,
siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan.
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
Ito’y nasaksihan ng mga alipi’t anak ni Abraham,
gayun din ang lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang.
Ang Panginoong Diyos ay ang Panginoon, siya ang ating Diyos,
sa kanyang paghatol ay ang nasasaklaw, buong sansinukob.
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
Ang tipang pangako’y laging nasa isip niya kailanman,
ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan.
Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham,
at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal.
Nasa isip ng Maykapal
ang tipan niya kailanman.
ALELUYA
Juan 15, 4a. 5b
Aleluya! Aleluya!
Sa Poon ay manatili
siya’y sa atin lalagi
mamungang maluwalhati.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 7, 15-20
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta; nagsisilapit sila sa inyo na animo’y tupa, ngunit ang totoo’y mababangis na asong-gubat. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga gawa. Napipitas ba ang ubas sa puno ng dawag, o ang igos sa puno ng aroma? Nagbubunga ng mabuti ang bawat mabuting punongkahoy, subalit nagbubunga ng masama ang punongkahoy. Hindi maaaring magbunga ng masama ang mabuting punongkahoy, ni ng mabuti ang masamang punongkahoy. Ang bawat puno na di nagbubunga ng mabuti ay pinuputol at itinatapon sa apoy. Kaya nga, makikilala ninyo sa kanilang mga gawa ang mga bulaang propeta.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Nagdulot sa atin ng panibagong buhay ang Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus. Sa pamamagitan ng ating mga panalangin, tayong mga makabagong propeta nawa’y makapagdulot ng mabubuting bunga sa Simbahan at sanlibutan.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, punuin mo kami ng iyong kabutihan.
Ang Simbahan nawa’y umakay sa mga Kristiyanong mananampalataya sa daan na naghahatid sa pinahahalagahang pag-ibig, katarungan, at katotohanan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga dukha nawa’y huwag mapagsamantalahan o mailigaw ng mga huwad at mapaghangad na pinuno, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang galit ng mga taong nabiktima ng kawalan ng katarungan nawa’y maghilom at matuto silang muli na magtiwala at makipagkaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit at naghihingalo nawa’y tumanggap ng lakas mula kay Jesus na dumating upang tulungan ang may karamdaman at mahihina, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y ganap na tumanggap ng gantimpala sa kanilang mga pagsusumikap, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, ikaw ang aming sandigan sa mga oras ng pangangailangan. Buksan mo ang aming mga puso sa iyong biyaya at akayin kami sa iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.