2,433 total views
Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria
Sofonias 3, 14-18
o kaya Roma 12, 9-16b
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6
Kapiling n’yo ang butihing
Poong Banal ng Israel.
Lucas 1, 39-56
Feast of the Visitation of the Blessed Virgin Mary (White)
UNANG PAGBASA
Sofonias 3, 14-18
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Sofonias
Umawit ka nang malakas, Lungsod ng Sion;
Sumigaw ka, Israel!
Magalak ka nang lubusan, Lungsod ng Jerusalem!
Ang mga nagpaparusa sa iyo ay inalis na ng Panginoon,
at itinapon niya ang inyong mga kaaway,
nasa kalagitnaan mo ang Hari ng Israel, ang Panginoon
wala nang kasawiang dapat pang katakutan.
Sa araw na yaon ay sasabihin sa Jerusalem:
“Huwag kang matakot, Sion;
huwag manghina ang iyong loob.
Nasa piling mo ang Panginoon na iyong Diyos,
parang bayaning nagtagumpay;
makikigalak siya sa iyong katuwaan,
babaguhin ka ng kanyang pag-ibig;
at siya’y masayang aawit sa laki ng kagalakan,
gaya ng nagdiriwang sa pista.”
Ang Salita ng Diyos.
o kaya:
Roma 12, 9-16b
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma
Mga kapatid, maging tunay ang inyong pag-ibig. Kasuklaman ninyo ang masama, pakaibigin ang mabuti. Mag-ibigan kayo na parang tunay na magkakapatid. Pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. Magpakasipag kayo at buong pusong maglingkod sa Panginoon. Magalak kayo sa inyong pag-asa. Magtiyaga kayo sa inyong kapighatian, at laging manalangin. Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid. Ibukas ninyong lagi ang inyong pinto sa mga taga-ibang lugar.
Idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo – idalanging pagpalain at huwag sumpain. Makigalak kayo sa mga nagagalak, makitangis sa mga tumatangis. Magkaisa kayo ng loobin. Huwag kayong magmataas, kundi makisama sa mga aba.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Isaias 12, 2-3. 4bkd. 5-6
Kapiling n’yo ang butihing
Poong Banal ng Israel.
Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin,
tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba.
Sapagkat ang Poon ang lahat sa akin,
siya ang aking awit, ang aking kaligtasan.
Malugod kayong sasalok ng tubig
sa batis ng kaligtasan.
Kapiling n’yo ang butihing
Poong Banal ng Israel.
Magpasalamat kayo sa Poon
siya ang inyong tawagan;
Ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang ginawa.
Ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
Kapiling n’yo ang butihing
Poong Banal ng Israel.
Umawit kayo ng papuri sa Poon,
sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
ipinahayag ninyo ito sa buong daigdig.
Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak,
sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at
ang Banal ng Israel.”
Kapiling n’yo ang butihing
Poong Banal ng Israel.
ALELUYA
Lucas 1, 45
Aleluya! Aleluya!
Birheng Mariang mapalad,
sa pananalig mong tapat
sa D’yos na Tagapagligtas.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 1, 39-56
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Si Maria’y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa kaburulan ng Juda. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elisabet. Nang marinig ni Elisabet ang bati ni Maria, naggagalaw ang sanggol sa kanyang tiyan. Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet, at buong galak na sinabi, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong bati ay naggagalaw sa tuwa ang sanggol sa aking tiyan. Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon!”
At sinabi ni Maria,
“Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon,
at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Sapagkat nilingap niya ang kanyang abang alipin!
At mula ngayon, ako’y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi,
dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan —
Banal ang kanyang pangalan!
Kinahahabagan niya ang mga may takot sa kanya, sa lahat ng sali’t saling lahi.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
pinangalat niya ang mga palalo ang isipan.
Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono,
At itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at pinalayas niyang wala ni anuman ang mayayaman.
Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!”
Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan, at saka umuwi.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Mayo 31
Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria
Pinarangalan si Elizabeth ng pagdalaw ng Ina ng kanyang Panginoon. Subalit ninais lamang ni Maria na ibahagi ang kanyang kagalakan. Sa ating pagdiriwang ng kapistahing ito, ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Ama na nagtangi sa mga babaeng ito.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Punuin Mo kami ng iyong mga biyaya, Panginoon.
Ang Simbahan nawa’y lubos na buksan ang kanyang puso sa Salita ng Diyos at ipahayag ito nang may kagalakan sa lahat ng tao at kultura, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namumuno sa mga bansa nawa’y makagawa ng mga programa sa pagtatatag ng isang higit na maayos na mundo ayon sa diwa ng mapagkumbabang paglilingkod ni Maria, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y pasiglahin ng Mahal na Birheng Maria upang madagdagan natin ang ating mga pagsisikap sa pagtataguyod ng isang higit na maayos na lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga maysakit, nawa’y ipakita natin ang ating malasakit sa pamamagitan ng ating pagdalaw sa kanila at pagpapalakas ng kanilang loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namayapa nawa’y makatagpo kay Maria ng isang tunay na kanlungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, ibinababa mo ang makapangyarihan at itinataas ang aba. Sa tulong ng mga panalangin ng Mahal na Birheng Maria, ipinagkakatiwala namin sa iyo ang aming mga pag-asa sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.