368 total views
Miyerkules ng Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
Efeso 6, 1-9
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 13kd-14
Ang Poong Diyos ay tapat,
pangako n’ya’y magaganap.
Lucas 13, 22-30
Wednesday of the Thirtieth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Efeso 6, 1-9
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Efeso
Mga anak, sundin ninyo ang iyong magulang, alang-alang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat. “Igalang mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangako; ganito ang pangako: “ikaw ay giginhawa at lalawig ang iyong buhay rito sa lupa.”
Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong anak dahil sa malabis ninyong kahigpitan; sa halip, palakihin sila sa tuntunin at aral ng Panginoon.
Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga panginoon dito sa lupa nang buong galang, takot at katapatan, na parang si Kristo ang inyong pinagliilingkuran. May nakakikita man o wala, ganyan ang gawin ninyo, hindi upang magbigay-lugod sa mga tao kundi dahil sa kayo’y lingkod ni Kristo at kusang-loob na gumaganap ng kalooban ng Diyos. Maglingkod kayo nang may mabuting kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao lamang. Sapagkat alam ninyong gagantihin ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, alipin man o malaya.
Mga panginoon, maging mabuti kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbataan, sapagkat alam ninyong kayo’y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit at walang itinatangi.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 10-11. 12-13ab. 13kd-14
Ang Poong Diyos ay tapat,
pangako n’ya’y magaganap.
Magpupuring lahat sa iyo, O Panginoon, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka’t pasasalamatan.
Babanggitin nilang tunay na dakila ang ‘yong kaharian,
at ibababalitang tunay kang dakila’t makapangyarihan.
Ang Poong Diyos ay tapat,
pangako n’ya’y magaganap.
Dakila mong gawa’y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadikalaan ng paghahari mo.
Ang paghahari mo’y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Ang Poong Diyos ay tapat,
pangako n’ya’y magaganap.
Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat,
Siya’y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling.
Ang Poong Diyos ay tapat,
pangako n’ya’y magaganap.
ALELUYA
2 Tesalonica 2, 14
Aleluya! Aleluya!
Tayo’y tinawag ng Diyos
upang magningning na lubos
sa aral ni Kristo Hesus.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 13, 22-30
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, nagpatuloy si Hesus sa kanyang paglalakbay. Siya’y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan patungong Jerusalem. May isang nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sinabi niya, “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makapapasok.
“Kapag ang pinto’y isinara na ng puno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas, at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo!’ At sasabihin ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa mga lansangan namin.’ Sasabihin naman ng Panginoon, ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na nagsisigawa ng masama!’ Tatangis kayo at magngangalit ang inyong ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, at kayo nama’y ipinagtabuyan sa labas! At darating ang mga tao buhat sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, at dudulog sa hapag sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules
Hindi tayo makakasalo sa Hapag ng Panginoon kung aasa lamang tayo sa sarili nating gawain. Tumugon tayo nang may pananalig sa kanyang paanyaya sa lahat ng tao na pumasok sa kanyang paghahari. Mayroong kababaang-loob, manalangin tayo.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panatilihin mo kaming mababa ang kalooban sa iyong paningin, O Panginoon.
Ang mga miyembro ng banal na Simbahan ng Diyos nawa’y makisalo sa masayang Hapag ng Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga gobyerno ng mga bansa nawa’y igalang ang kalayaang pang-relihiyon at hayaan ang mga taong makinig at tumugon sa paanyaya ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y maging seryoso sa ating mga Kristiyanong tungkulin at magsumikap na walang kapaguran na pumasok sa makipot na pintuan na mag-aakay sa atin sa buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga nagdurusa sa isip at katawan nawa’y matanggap ang kanilang krus nang may pagitiis, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga tapat na yumao nawa’y tanggapin sa Kaharian ng Langit, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoon at Ama ng lahat ng bansa, itinataas namin ang mga panalanging ito nang may pananalig na naghahangad na tumugon sa paanyaya ng iyong Anak, aming tanging Tagapagligtas na nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan. Amen.