Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Sabado, Abril 5, 2025

SHARE THE TRUTH

 4,197 total views

Sabado sa Ika-4 na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Jeremias 11, 18-20
Salmo 7, 2-3. 9bk-10. 11-12

Panginoon, aking Diyos,
pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.

Juan 7, 40-53

Saturday of the Fourth Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Jeremias 11, 18-20

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Ipinabatid sa akin ng Panginoon ang masamang balak laban sa akin ng mga kaaway ko. Ako’y parang maamong tupang dinadala sa patayan at hindi ko nalalamang may masamang balak pala sila sa akin. Wika nila, “Putulin natin ang puno habang malusog; patayin natin siya nang wala nang makaalaala pa sa kanya.”

At dumalangin si Jeremias, “Panginoon, ikaw ay hukom na makatarungan. Nababatid mo ang isipan at damdamin ng bawat tao. Ikaw ang maghiganti sa mga taong ito; ipinauubaya ko po sa iyo ang aking gawain.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 7, 2-3. 9bk-10. 11-12

Panginoon, aking Diyos,
pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.

Panginoon, aking Diyos, sa iyo ko natagpuan
yaong aking minimithi at hangad na kaligtasan;
iligtas mo sana ako, sa pag-usig ng kaaway,
tinutugis nila ako, hindi sila naglulubay.
Kapag ako ay inabot, sila’y leon ang katulad,
tatangayin nila ako, sa malayo itatakas;
at kung ito ang mangyari, pihong walang magliligtas,
dudurugin nila ako, luluraying walang habag.

Panginoon, aking Diyos,
pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.

Humatol ka sa panig ko yamang ako’y di masama.
Pigilin ang di matuwid sa kanilang mga gawa,
yaon namang mabubuti ay bigyan ng gantimpala;
yamang ikaw, Panginoon, ay ang Diyos na dakila,
at sa iyo ay di lingid ang laman ng puso’t diwa.

Panginoon, aking Diyos,
pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.

Ikaw rin po, Panginoon, ang sa aki’y nag-iingat,
ang lahat ng masunurin sa iyo ay naliligtas;
ikaw ang Diyos na matuwid, isang Hukom na matapat,
laging handang magparusa sa sinumang gawa’y linsad.

Panginoon, aking Diyos,
pag-asa ko sa ‘yo’y lubos.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 8, 15

Mapalad ang nag-iingat
sa kanyang pusong matapat
sa Salitang nagbubuhat
sa Poong D’yos ng liwanag,
sa t’yaga’y aaning ganap.

MABUTING BALITA
Juan 7, 40-53

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, marami sa mga nakarinig kay Hesus ang nagsabi, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” “Ito nga ang Mesias!” sabi ng iba. Ngunit sumagot naman ang iba pa, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Mesias? Hindi ba sinabi ng Kasulatan na magmumula ang Mesias sa lipi ni David, at sa Betlehem na bayan ni David ipanganganak?” Magkakaiba ang palagay ng mga tao tungkol sa kanya. Ibig ng ilan na dakpin siya, ngunit wala namang nangahas humuli sa kanya.

Ang mga kawal na bantay sa templo ay nagbalik sa mga punong saserdote at sa mga Pariseo. “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” tanong nila sa mga bantay. Sumagot sila, “Wala pa pong nagsalita nang gaya niya!” “Kayo man ba’y nalinlang din?” Tanong ng mga Pariseo. “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniwala sa kanya? Wala! Mga tao lamang na walang nalalaman sa Kautusan ang naniniwala sa kanya – mga sinumpa!” Isa sa mga naroon ay si Nicodemo, na nagsadya kay Hesus noong una. Tinanong niya sila, “Labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa, hindi ba?” Sumagot sila, “Ikaw ba’y taga-Galilea rin? Magsaliksik ka’t makikita mo na walang propetang magmumula sa Galilea.”

At umuwi na ang bawat isa.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Sabado

Habang inaalaala natin ang hindi pagtanggap sa Tagapaglitas na nagpakasakit para sa ating kapakanan, hilingin natin ang pananampalataya ng isang aba upang maihatid natin sa iba ang mensahe ni Kristo sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ikaw ang aming lakas, O Panginoon.

Ang mga maykapangyarihan nawa’y patnubayan ng espiritu ng pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagpapalaganap ng mensahe ng Ebanghelyo sa lahat ng dako nawa’y pagkalooban ng tapang, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mayayamang banasa nawa’y maging bukas-palad sa pagtulong sa mga mahihirap na bansa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit, mga bilanggo, mga matatanda, at mga may kapansanan nawa’y palakasin ng mga nakapagpapaginhawang Salita ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y magtamasa ng ipinangakong kapayapaang walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng lahat,
isinugo mo ang iyong bugtong na Anak upang kami ay higit na ilapit sa iyo. Patnubayan mo kami sa aming misyon na palaganapin ang aming pananampalataya sa buong mundo. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon.

Amen.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Maghahari pa kaya ang kapayapaan?

 9,277 total views

 9,277 total views Mga Kapanalig, kung gusto natin ng kapayapaan, magsumikap tayo para sa katarungan. “If you want peace, work for justice!” Ito ang paalala ni

Read More »

PH JOB CRISIS

 44,451 total views

 44,451 total views Nakapahirap maghanap ng trabaho., mas lalong mahirap makapasok ng trabaho… Ito ang katotohanan… ang nangyayari… ito ang reyalidad sa Pilipinas, Kapanalig. Ang nakakadismaya

Read More »

WE CANNOT STOP, WE CANNOT GO BACK

 51,892 total views

 51,892 total views Kapanalig, nasaksihan natin bago at sa gitna ng CONCLAVE… hati ang maraming katoliko sa buong mundo, conservative ba o liberal ang mapipiling Santo

Read More »

Bukal ng tubig, bukal ng buhay

 53,175 total views

 53,175 total views Mga Kapanalig, ramdam na ramdam natin ang tindi ng summer heat! Kapag summer, talagang masarap maligo at uminom ng pampalamig, mapawi lang ang

Read More »

Mga hakbang pagkatapos ng halalan

 65,239 total views

 65,239 total views Mga Kapanalig, isang halalan na naman ang nairaos natin. Ikinatuwa o ikinadismaya man natin ang resulta, paano kaya tayo maaaring umusad pagkatapos nito?

Read More »

Watch Live

RELATED READINGS

Huwebes, Mayo 22, 2025

 4 total views

 4 total views Huwebes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay Santa Rita ng Cascia, namamanata sa Diyos Mga Gawa 15, 7-21 Salmo

Read More »

Miyerkules, Mayo 21, 2025

 473 total views

 473 total views Miyerkules sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Kristofero Magallanes, pari at martir, at mga kasama, mga martir o

Read More »

Martes, Mayo 20, 2025

 926 total views

 926 total views Martes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay o kaya Paggunita kay San Bernardino ng Siena, pari Mga Gawa 14, 19-28 Salmo 114, 10-11.

Read More »

Lunes, Mayo 19, 2025

 1,505 total views

 1,505 total views Lunes sa Ika-5 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay Mga Gawa 14, 5-18 Salmo 113 B, 1-2. 3-4. 15-16 Dapat nating papurihan ang pangalan

Read More »

Linggo, Mayo 18, 2025

 2,105 total views

 2,105 total views Ika-5 Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay (K) Mga Gawa 14, 21b-27 Salmo 144, 8-9. 10-11. 12-13ab Diyos ko at aking Hari, pupurihin

Read More »

LATEST NEWS

Scroll to Top