6,599 total views
Sabado ng Ika-7 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado
Sirak 17, 1-13
Salmo 102, 13-14. 15-16. 17-18a
Pag-ibig mo’y walang hanggan sa bayan mong nagmamahal.
Marcos 10, 13-16
Saturday of the Seventh Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Sirak 17, 1-13
Pagbasa mula sa aklat ni Sirak
Nilikha ng Panginoon ang tao mula sa alabok,
at ito’y sa alabok din uuwi.
Binigyan niya ang tao ng takdang haba ng buhay,
ngunit ipinailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa.
Pinagkalooban niya sila ng kalakasang tulad ng sa kanya,
at ginawa silang kawangis niya.
Inibig ng Panginoon na ang lahat ng may buhay ay matakot sa tao,
at maghari ito sa mga hayop sa lupa at ibon sa himpapawid.
Binigyan sila ng Panginoon ng limang pandamdam,
at binigyan pa rin ng pang-anim – katalinuhan, at pampito – isip;
sa pamamagitan nito, nabibigyan nila ng kahulugan ang nagdaraan sa pandamdam.
Binigyan niya ang tao ng dila, mga mata at tainga,
at kapangyarihang mag-isip at magpasiya.
Pinuspos pa niya ng kaalaman at karunungan,
at tinuruang kumilala ng mabuti at masama.
Pinaliwanag ng Panginoon ang isipan ng mga tao,
at ipinakilala sa kanila ang karilagan ng kanyang nilalang,
at ipinahintulot niya ang ipagkapuri nila magpakailanman ang kanyang mga kahanga-hangang ginawa.
Upang papurihan nila ang kanyang pangalan
at ipahayag ang kadakilaan ng kanyang mga gawa.
Ibinigay niya sa tao ang kanyang mga aral,
at ipinamana sa kanila ang Kautusan na nagbibigay-buhay.
Nakipagtipan siya sa mga tao magpakailanman,
at ipinahayag sa kanila ang kanyang mga kautusan.
Ipinakita sa kanila ang kanyang di matingkalang kamahalan,
at ipinarinig sa kanila ang kanyang bathalang tinig.
Sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong gagawa ng masama;”
at ibinatas sa kanila ang tungkulin ng bawat isa sa kanyang kapwa.
Nakikita ng Panginoon ang lahat ng ginagawa ng tao,
at walang nalilingid sa kanya na anuman.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 102, 13-14. 15-16. 17-18a
Pag-ibig mo’y walang hanggan sa bayan mong nagmamahal.
Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kanya.
Alam niya na alabok, yaong ating pinagmulan,
alam niyang babalik din sa alabok kung mamatay.
Pag-ibig mo’y walang hanggan sa bayan mong nagmamahal.
Ang buhay ng mga tao’y parang damo ang katulad,
Sa parang ay lumalago na animo ay bulaklak;
kapag ito ay nahanginan, nawawala’t nalalagas,
nawawala man din ito at hindi na namamalas.
Pag-ibig mo’y walang hanggan sa bayan mong nagmamahal.
Ngunit ang pag-ibig ng Diyos ay tunay na walang hanggan
sa sinuman sa kanya’y may takot at pagmamahal;
Ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
yaong magtatamo nito’y ang tapat sa kanyang tipan.
Pag-ibig mo’y walang hanggan sa bayan mong nagmamahal.
ALELUYA
Mateo 11, 25
Aleluya! Aleluya!
Papuri sa Diyos Ama
pagkat ipinahayag n’ya
Hari s’ya ng mga aba.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 10, 13-16
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, may nagdala ng mga bata kay Hesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay; ngunit pinagwikaan sila ng mga alagad. Nagalit si Hesus nang makita ito, at sinabi sa kanila, “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, huwag ninyo silang sawayin, sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos. Ito ang tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos tulad ng isang maliit na bata ay hindi mapapabilang sa mga pinaghaharian niya.” At kinalong ni Hesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at pinagpala sila.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado
May pananalig na lumapit tayo at ating iharap sa Diyos na nagmamahal sa lahat ng kanyang mga anak ang ating mga pangangailangan.
Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, lingapin Mo ang iyong mga anak.
Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y magturo sa kanyang mga miyembro ng tunay na dangal ng sakramento ng kasal upang tulungan ang mga mag-asawa na manatiling tapat sa kanilang bokasyon, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga ikinasal nawa’y maging sensitibo sa pangangailangan ng bawat isa at makatagpo ng tunay na kaligayahan sa kanilang pinagsasaluhang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga nakararanas ng mga pagsubok sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa nawa’y tumanggap sila ng biyaya na maging matatag at magsumikap sa kanilang pagtatalaga ng sarili sa Diyos at sa isa’t isa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga matatanda, mga nalulumbay, at mga maysakit nawa’y makatagpo ng pagmamahal at suporta sa kanilang komunidad, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng lugar na walang hanggang Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Ama, ibinigay mo sa amin ang sakramento ng kasal bilang tanda ng iyong pag-ibig. Tulungan mo kaming mamuhay sa pagkakaisa sa bawat isa. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.