
Paghilom ng ozone layer
592 total reads
Mga Kapanalig, break muna tayo sa mga bad news. Pag-usapan naman natin ang isang magandang balita sa usapin ng klima.
Naaalala ba ninyo noong naging mainit na usapin ang butas sa ozone layer? Ang ozone layer ay isang bahagi ng atmosphere na nagsisilbing panangga ng ating planeta laban sa matinding init at sikat ng araw.
Ipinagbawal noon ang paggamit ng mga kemikal gaya ng chlorofluorocarbons (o CFC)—na ginagamit sa refrigeration, air conditioning, at aerosol sprays—dahil sinisira nito ang ozone layer na sanhi ng pag-init ng mundo. Pero sa mga nakaraang dekada, unti-unting nabawasan ang pagtuon natin sa problemang ito. Bakit kaya?
Noong dekada ‘80, natuklasan ang lumalaking butas sa ozone layer sa ibabaw ng Antarctica o pinakatimog na bahagi ng planeta. Dahil dito, tumitindi ang pag-init ng mundo. Kaya naman, nagkasundo ang mga bansa na ipagbawal ang mga kemikal na sumisira sa ozone layer. Hindi naging mabilis ang resulta. Maraming dekada ang dumaan bago makita ang resulta ng pagbabawal sa CFC. Noong 2006, naitala ang pinakamalaking pagkasira sa ozone layer, pero hindi tumigil ang mga bansa sa pagtutulungan at lalo pang pinalakas ang kasunduang labanan ito. Noong 2016, nagsimula nang lumiit ang butas sa ozone layer. Noong nakaraang taon—apat na dekada simula noong natuklasan ang butas—sinabi ng United Nations (o UN) na “the ozone layer is healing.” Kung magpapatuloy ang pagbabawal sa CFC, tuluyang maghihilom ang ozone layer sa susunod na apat na dekada.
Isa itong tagumpay sa usapin ng klima at kapaligiran.
Gayunpaman, hindi rito nagtatapos ang pagkilos laban sa climate change. Marami pa ring ginagawa ang mga tao na kayang baliktarin ang paghilom ng ozone layer. Maaaring manumbalik nga ang ozone layer, pero patuloy na umiinit pa rin ang mundo dahil sa ibinubugang greenhouse gases mula sa pagsusunog ng fossil fuels gaya ng petrolyo. Hindi lang ito dahil sa mga sasakyan at negosyong umaasa sa langis; ang mga nagpapatuloy na giyera ay pinagmumulan din ng greenhouse gases.
Sa Pilipinas naman, kinakalbo natin ang kagubatan para gawing minahan. Pinuputol natin ang mga puno sa kalunsuran para tayuan ng mga expressways na gagamitin ng mga sasakyan. Kamakailan pa nga, sa halip na palakasin ang pampublikong transportasyon na makababawas sa greenhouse gas emissions ng bansa, hindi binigyan ng alokasyon sa panukalang badget ng administrasyong Marcos Jr sa susunod na taon ang EDSA Carousel o ang bus rapid transit system ng Metro Manila.
Balik tayo sa pagliit ng butas sa ozone layer. ‘Ika nga, malayo pa, pero malayo na. Marami na tayong nagawa, pero marami pa ang kailangang gawin.
Ngayon araw ay ang International Day for the Preservation of the Ozone Layer. Hindi na natin gaanong naririnig ang problema sa ozone layer dahil gumagana na ang mga patakarang ipinatupad upang tugunan ito. Sa gitna ng mga problema at kaguluhan sa mundo, ang paghilom ng ozone layer ay isa sa magagandang balita na nagbibigay sa atin ng pag-asa at patunay sa kapangyarihan ng pandaigdigang pagtutulungan at sama-samang pagkilos.
Mga Kapanalig, ipinapaalala sa atin ng paghilom ng ozone layer na hindi imposibleng solusyunan ang mga hamong kinahaharap ng ating mundo. Sana’y magsilbing aral sa atin ang ipinamalas na pagkakaisa ng mundo para pangalagaan ang kabutihang panlahat o common good, isa sa mga prinsipyo ng mga panlipunang turo ng Simbahan. Huwag sana tayong mawalan ng pag-asa sa patuloy na pagkilos upang makamit ang isang mundong ligtas, maunlad, at mapayapa. Alalahanin natin ang papuri sa mapayapang pagkakaisa sa Mga Awit 133:1: “Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid, ang nagkakaisa’t laging sama-sama na magkakapatid!”
Sumainyo ang katotohanan.









