
ANAK NG TAO
3,581 total reads

Homiliya para sa Biyernes ng Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon, 13 Nobyembre 2026
2 Juan 4–9; Lucas 17:26–37
Sa ating unang pagbasa, may babala si San Juan tungkol sa mga taong tinatawag niyang mga manlilinlang o Antikristo. Sino sila? Sila raw ang mga hindi kumikilala na si Hesukristo ay tunay na naging tao.
Nakakagulat, ano? Noong panahon pa pala ni San Juan, mayroon nang mga Kristiyanong nahihirapang tanggapin ang tunay na pagkatao ni Hesus. Madali nilang tanggapin na si Hesus ay Anak ng Diyos. Pero Anak ng Tao? Na ang Diyos ay talagang naging tao, tulad natin?
May lumaganap noon na katuruang tinatawag na Docetism, mula sa salitang Griyego na nangangahulugang “magmukha lamang.” Para sa kanila, nagmukha o nag-anyong tao lang si Hesus. Para bang Diyos siyang nagpanggap na tao. Hindi nila matanggap na naging tunay na tao ang Diyos, dahil iniuugnay nila ang pagiging tao sa kahinaan, karupukan, kasalanan na dahilan ng pagdurusa, at kamatayan.
Parang magandang pakinggan, pero mali. Dahil minamaliit nila ang likas na dangal ng ating pagkatao.Hindi ba’t hanggang ngayon, kapag nagkakamali tayo, ang madalas nating sabihin, “Pasensya na, tao lang.” Para bang napakasamang maging tao. Para bang ang pagiging tao ay katumbas ng pagiging mahina, makasalanan, at palpak.
Pero iba ang ipinahahayag ng ating pananampalataya. Ang Diyos ay naging tao, hindi para maliitin ang ating pagkatao, kundi para itaas ang dangal nito. Hindi siya nagkunwaring tao. Naging tunay siyang tao, maliban sa kasalanan.
At sa pamamagitan niya, binigyan tayo ng Diyos ng isang bagong huwaran ng pagkatao. Kung dati, sina Adan at Eba ang ating iniuugnay sa pagkataong nasira ng kasalanan, ngayon mayroon na tayong bagong Adan, si Hesukristo, na nagtuturo sa atin kung paano tunay na magpakatao.
Ito naman ang koneksyon sa ating Ebanghelyo. Kapansin-pansin na kapag nagsasalita si Hesus tungkol sa kanyang muling pagbabalik, hindi niya ginagamit ang titulong Anak ng Diyos. Ang ginagamit niya ay Anak ng Tao.
Sinasabi niyang darating ang araw ng pagbubunyag ng Anak ng Tao. Isang sandali ng krisis, ng pagsusulit, ng pagbubukod. Tulad noong panahon ni Noe at ni Lot, nagpapatuloy ang mga tao sa kanilang karaniwang pamumuhay—kumakain, umiinom, nag-aasawa, bumibili, nagbebenta, nagtatanim at nagtatayo. Walang kamalay-malay na darating ang sandali ng pagsusulit.
At ano ang magiging batayan ng pagbubukod? Dito mahalagang pakinggan ang sinabi ni Hesus: “Ang sinumang naghahangad na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang sinumang handang mawalan ng kanyang buhay ay siyang magliligtas nito.”
Ito ang kakaibang prinsipyo ng bagong pagkataong ipinakilala sa atin ni Kristo.
Sa mundong ito, ang madalas nating iniisip ay kung paano natin maililigtas ang ating sarili, paano tayo makakaangat, paano tayo makakalamang sa kapwa. Pero para kay Hesus, ang tunay na pagkatao ay hindi nasusukat sa kung gaano karami ang ating naipon o napakinabangan para sa sarili, kundi sa kung gaano tayo natutong magmahal, maglingkod, at mag-alay ng buhay para sa kapwa.
Hindi sapat ang maging tao. Ang hamon sa atin ay magpakatao. At hindi tayo tunay na makapagpapakatao kung hindi tayo matututong makipagkapwa-tao. Ito ang bagong pagkataong ipinakilala sa atin ng Anak ng Tao.
Habang papalapit tayo sa pagtatapos ng taon ng liturhiya at naghahanda sa panahon ng Adbiyento, ito ang paalala sa atin ng mga pagbasa: Ang kaligtasang hinihintay natin ay hindi lamang tungkol sa pagdating ng Panginoon sa katapusan ng panahon. Tungkol din ito sa ating paghahanda na maging tunay na tao, ayon sa kanyang halimbawa.
Dahil sa huli, ang haharap sa atin bilang Hukom ay walang iba kundi ang Anak ng Tao—si Hesukristo, ang tunay na huwaran ng ating pagkatao. At ang tanong niya sa atin ay hindi lamang, “Naniwala ba kayo sa akin?” kundi, “Natuto ba kayong magpakatao, tulad ng itinuro ko sa inyo?”





