
Inhustisya sa gitna ng krisis sa klima
800 total reads
Mga Kapanalig, nakikiramay tayo sa mga taga-Nepal Matapos ang isang nakapanlulumong trahedyang nangyari doon.
Noong nakaraang linggo, magkasunod na flash floods at mudslides ang rumagasa sa border ng Nepal at Tibet. Nagdulot ito ng malawakang pagkawasak sa mga komunidad sa paligid ng mga magkarugtong na ilog. Habang sinusulat natin ang editoryal na ito, umabot na sa halos 600 ang nasawi, higit sa 2,400 ang nawawala, at nasa 10,000 na pamilya ang nawalan ng tirahan. Kasama sa mga nawawala ay isang kababayan natin.
Batay sa pagsusuri ng United States Geological Survey, isang glacial collapse sa Himalayas mountain range ang nagdulot ng avalanche o pagguho ng niyebe at bato na tumamâ sa ilog, na siya namang nagdulot ng malakas na pagyanig at mabilis na pagbaha ng tubig at putik. Sa madaling salita, ang pagguho ng isang napakalaking tipak ng yelo sa bulubundukin ang naging mitsa ng trahedya.
Pero ano ang nagdulot ng glacier collapse?
Pinag-aaralan pa ang direktang sanhi ng pagguho, pero maraming eksperto na ang iniuugnay ito sa climate change. Dahil sa mga aktibidad ng tao na nagbubuga ng greenhouse gases gaya ng pagsusunog ng petrolyo, nagkakaroon ng global warming o pag-init ng mundo na nagreresulta sa pagbabago ng klima. Nakikita natin ang epekto nito sa tumitinding bagyo sa Pilipinas, heatwaves sa Europe, forest fires sa North America, at pagkalusaw ng mga glaciers sa buong mundo.
Ayon sa World Bank, wala pang 1% ang kontribusyon ng Nepal sa kabuuang greenhouse gas emissions sa mundo, pero isa ito sa mga bansang pinakalantad sa mga panganib ng climate change. Patunay ang trahedyang nangyari sa Nepal ng kawalan ng katarungan sa usapin ng klima. Ang pinakamahihirap na bansa ang may pinakamaliit na ambag sa krisis sa klima, pero sila ang pinakanganganganib sa mga epekto nito. Samantala, yumayaman ang mga bansang ilang siglo nang nagsusunog ng likas na yaman na siyang sanhi ng pag-init ng mundo. Nasaan ang hustisya?
Sa Pilipinas, damang-dama rin natin ang inhustisyang ito. Sa katunayan, ang bansa natin ang pinakananganganib sa mga kalamidad na pinalalalâ ng climate change. Pero kung ang krisis sa klima ay dulot ng mga aktibidad ng tao, mahirap sabihing “natural” ang mga nangyayaring trahedya sa bansa gaya ng baha at landslide. Hindi natural ang mga ito, lalo na’t malawakan ang katiwalian sa ating pamahalaan, gaya ng nakikita natin sa mga maanomalyang flood control projects. Napupunta lang sa bulsa ng mga ganid na pulitiko, opisyal ng gobyerno, at negosyante ang pondong ginagamit dapat sa pagtugon sa mga nakaambang panganib at pagprotekta sa mga mamamayan. Patuloy na yumayaman ang mga gahaman samantalang pinapasan ng ordinaryong Pilipino ang pinsala ng mga kalamidad.
Gaya ng wika sa Catholic social teaching na Laudato Si’, dapat pakinggan natin ang sigaw ng mundo at ng mahihirap sa pagtugon sa mga krisis na kinahaharap natin. Nananawagan tayo sa international community na magtulungan para pigilan ang pagtindi ng climate change. Kailangan ang kooperasyon ng buong mundo sa pagpapababa ng greenhouse gas emissions at pagpapalakas ng disaster resilience, lalo na sa mga pinakabulnerableng bansa at sektor. Kailangang ding mag-step up, ‘ika nga, ng mayayamang bansa sa pagtugon sa climate crisis dahil sila naman ang may pinakamalaking ambag sa paglalâ nito. Dito nakaugat ang panawagan para sa tinatawag na climate justice.
Mga Kapanalig, nag-iisa lang ang ating mundo—ang ating “common home”—kaya dapat natin itong pangalagaan. Ipagdasal natin ang mga biktima ng trahedya sa Nepal. Higit pa rito, pairalin natin ang climate justice, gaya ng paalala sa Amos 5:24: “padaluyin [natin] ang katarungan, gaya ng isang ilog; gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis.”
Sumainyo ang katotohanan.








