Ilulunsad ng Radyo Veritas ang programang tututok sa mga maiinit na isyu ng bansa, partikular na sa talamak na korapsyon sa pamahalaan.
Ang bagong programa, SABADIHA (Sama-samang Bayanihan para sa Demokrasya, Integridad, at Hustisyang Aksyon), ay naglalayong palakasin ang partisipasyon ng mamamayan sa pagsusulong ng transparency at pananagutan sa pamahalaan.
“Corruption remains the most pervasive and debilitating threat to Philippine democracy. SABADIHA calls people to make noise right where corruption hides,” ayon sa pahayag ng grupo.
Hihikayatin ng programa ang publiko na manindigan laban sa katiwalian at panagutin ang mga opisyal na sangkot sa mga iregularidad.
Bahagi rin nito ang paghimok sa mga Pilipino na maging aktibong tagamasid sa paggamit ng pondo ng bayan at makilahok sa pagtukoy at pag-uulat ng mga anomalya.
“SABADIHA aims to awaken moral courage and civic energy by giving citizens the means to document, report, and act against corruption,” dagdag pa ng pahayag.
Sa tulong ng mga citizen volunteers, ilalantad ng programa ang mga kaso ng korapsyon sa pamamagitan ng masusing pagmamanman, dokumentasyon, at beripikadong pag-uulat mula sa iba’t ibang komunidad.
Mapakikinggan ang SABADIHA tuwing Biyernes simula Nobyembre 21, mula alas-singko hanggang alas-sais ng hapon sa Radyo Veritas.
Sa unang episode, tampok ang panayam kina Caloocan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, at Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon.
Mapapanood din ang programa sa Veritas TV sa Skycable 211, DZRV 846 Facebook page, at Veritas PH YouTube channel.






