2,103 total views
Tiniyak ng media arm ng Archdiocese of Manila ang pagpapaigting sa ebanghelisasyon sa pamamagitan ng media platforms.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, pangulo ng Radio Veritas 846 palalawakin ng himpilan ang pagsasahimpapawid upang higit pang lumaganap ang mabuting balita ng Panginoon.
Ang mensahe ng pari ay kasunod ng paglunsad ng Veritas Teleradyo sa Sky Cable channel 211.
“Palawakin pa natin ang ating reach para mas maikalat pa natin ang misyon ng simbahan lalo ngayong new normal; kaya’t sa araw na ito ng mga banal tayo ay nagpapasalamat sa Diyos at nabiyayaan tayo ng bagong platform ang Teleradyo,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Inaanyayahan ni Fr. Pascual ang Kapanalig community na suportahan ang Veritas Teleradyo kung saan bukod sa mapakikinggan ay mapapanuod na rin ang mga anchors sa kani-kanilang programa.
Itinuring ng opisyal na magandang kaloob ang pagkakaroon ng teleradyo ng Radyo ng Simbahan na maituturing na konkretong hakbang sa pagsasabuhay ng misyon sa makabagong panahon.
Isa sa mga tampok na program lineup ng Veritas 846 na mapapanuod sa teleradyo ang banal na misa apat na beses araw-araw tuwing alas sais ng umaga, alas dose ng tanghali, alas sais ng gabi at alas dose ng hatinggabi na may pagtatanghal ng Banal na Sakramento.
Napapanahon ang paglunsad ng teleradyo kung kailan ipinagdiwang ng Pilipinas ang 500 Years of Christianity.
Bukod sa teleradyo patuloy na mapakikinggan ang himpilan sa Cignal Cable TV channel 313, E-Radio portal at sa social media na Twitter, Instagram, YouTube at Facebook sa @RadyoVeritasPh.