192 total views
Pagtutulungan at pagmamalasakit sa kapwa ay pagpapakita ng pananampalataya sa Panginoon.
Ito ang inihayag ni Laoag, Ilocos Norte Bishop Renato Mayugba kaugnay sa kanilang mga tinatanggap na tulong para sa mga residente makaraang maapektuhan ng malakas na bagyong Ompong.
“The truth of our Christian faith is ayon sa ating pananampalatayang nagmamahal at ipinapakita ang ating pagmamahal sa gawa,” ayon kay Bishop Mayugba.
Kabilang ang Diocese ng Laoag sa mga diyosesis na higit na nasalanta ng bagyo na pinaglaanan ng inisyal na pondo ng Caritas Manila.
“Napakagandang nakikita na ng lahat na ang ating simbahan ay may puso at nakikiramay at tumutulong sa lahat ng nasalanta ng bagyong Ompong. Dito natin makikita na ang ating simbahan ay hindi nagpapabaya sa mga sinalanta ng bagyong Ompong,” ayon kay Bishop Mayugba.
Ayon sa Obispo, kagya’t na nagsagawa ng relief operation ang social action center ng diyosesis sa pakikipagtulungan na rin ng lokal na pamahalaan at sa mga nagpaabot ng kanilang tulong.
“Ngayon naman ay uumpisahan natin ang rehabilitasyon, pagtulong sa pagbangon muli ng ating kababayan. May iba na kailangan ng infrastructure help at ang pagbangon para sa ating mga magsasaka yung kanilang harvest kasi ay talagang nasira. Yun ang rehab work na gagawin ng diocese, makikipagtulungan sa gobyerno at sa generous benefactors,” ayon pa sa Obispo.
Sinabi ni Bishop Mayugba na napakagandang makita ang pagkilos ng simbahan sa pagtulong sa kapwa na siya ring nagpapakita na hindi nagpapabaya sa kaniyang kawan lalu na sa panahon ng kalamidad.
Sa kasalukuyan ay naghahanda na rin ang diyosesis para sa isasagawang rehabilitasyon sa mga nasirang mga tahanan at kabuhayan ng mga taga-Ilocos Norte.
Base sa tala, aabot sa 14 na bilyong piso na ang nasira ng bagyong Ompong kung saan higit na nasalanta ang mga taniman ng gulay at mga palayan.