312 total views
Inihayag ng kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang nakatakdang pagtatalaga sa Santo Nino de Tondo Parish bilang isang Archdiocesan Shrine.
Binigyang diin ng Kardinal na kaakibat ng bagong titulo ng parokya bilang isang dambana na lalo pang palaganapin ang misyon ng Panginoong Hesukristo.
Ipinaliwanag ni Cardinal Tagle na hindi lamang isang titulo ang pagiging arhcdiocesan Shrine kungdi ito ay ang pakikiisa sa pagkakakilanlan kay Hesus at sa kanyang pagiging isang misyonero.
Ayon kay Cardinal Tagle, kinakailangang tanggapin ng mga mananampalataya ang titulong ito bilang biyaya ng Diyos nang may kapakumbabaan at alalahanin na ang bawat biyaya ay may kaakibat na misyon.
“Katulad ni Hesus tanggapin natin ang identity na ito ng mapagpakumbaba dahil wala naman sa atin na masasabing mapagmamalaki, “we deserve this identity” ito po’y biyaya ng Panginoon at bawat biyaya ay may kasamang misyon.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Samantala, nagpasalamat naman si Father Estelito Villegas, Parish Priest ng Santo Niño de Tondo Parish sa pagkakahirang ng kanilang parokya bilang isang Archdiocesan Shrine.
Hinimok ni Father Villegas ang mga mananampalataya na magtulong-tulong upang lalo pang pasikatin si Hesus sa pamamagitan ng bagong misyon na iniaatang sa kanila bilang dambanang arkidiyosesano ng Santo Nino.
“Ang ating higit na tinitignan ay ang pagsikat lalo ni Hesus sa ating arkidiyosesis sa pamamagitan ng ating misyon bilang dambanang arkidiyosesano ng Santo Nino kaya hindi naman dapat nating iwaglit sa ating isipan na hindi ito lamang gawain ng Parish priest ito po ay atin sama-samang pagtutulungan na maganap natin ang dagdag na ito na ating tungkulin at misyon para sa arkidiyosesis ng Maynila.” pahayag ni Father Villegas
Sa ikalima ng Pebrero 2019, nakatakda ang pormal na pagtatalaga sa Parokya ng Santo Niño de Tondo bilang isang Archdiocesan Shrine.
Ikatlo ng Mayo, 1572 nang naitatag ito bilang isang parokya sa ilalim ng pangangalaga ng Augustinian Friars.
Samantala sa kasalukuyan, mayroon nang apat na Archdiocesan Shrines sa ilalim ng Archdiocese of Manila at ang Santo Nino de Tondo ang magiging ikalima rito.