213 total views
Manila, Philippines– Ikinababahala ng Green Thumb Coalition ang bagong patakaran ng Commission on Appointments na secret voting sa pagkumpirma sa mga itatalagang kalihim ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ayon kay Gerry Arances – Convenor ng Center for Energy Ecology and Development at miyembro ng Green Thumb Coalition, maaari itong makabuti at makasama lalo na kay Secretary Gina Lopez.
Sa pamamagitan ng secret voting, hindi na malalaman ng publiko ang magiging boto ng mga Senador at Kongresista na pabor o hindi pabor kay Gina Lopez.
Dahil dito, nangangamba ang Green Thumb Coalition, na sa patagong pagboto ay maaaring umiral ang salapi ng mga mining companies na nais patalsikin si Lopez sa pagiging kalihim ng D-E-N-R.
“Ito ay nakakabahala, nakakagulat na kung kelan siya isasalang sa confirmation si (Lopez) ay saka naman binuo itong bagong polisiya na ito. At dalawang bagay yan, yung mga senador at ibang mga kongresista ay ayaw nilang malaman ng mga katunggali ni Gina kung ano yung kanilang boto.Puwedeng ding ayaw ng mga kongresista at ng mga senador na malaman ng taumbayan kung ano yung boto nila,”pahayag ni Arances sa panayam ng Radyo Veritas.
Nauna rito, binigyan diin ni Ifugao Lone District Representative Teddy Brawner Baguilat na kinakailangang may political will ang kalihim ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman.
Sa panayam ng programang Barangay Simbayanan,iginiit ni Baguilat na hindi kinakailangang maging eksperto o magmula sa academe ang magiging kalihim ng kagawaran dahil mas mahalaga ang dedikasyon at lakas ng loob nitong ipatupad ang tunay na mandato ng ahensya.
Read: http://www.veritas846.ph/kahilim-ng-denr-kailangang-may-political-will/
(Yana Villajos)