541 total views
Mga Kapanalig, kailan pa naging tama ang pagpatay?
Nakalulungkot na noong nakaraang linggo, mayorya ng ating mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ang pumabor na ipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 4727 o ang panukalang batas na magbabalik sa parusang kamatayan o death penalty.
Matapos isa-isang magpaliwanag ang mga mambabatas ng kanilang posisyon hinggil sa panukalang batas, umabot sa 217 mambabatas ang bumoto pabor sa pagpasa panukalang batas, samantalang 54 na mambabatas tumutol; isang mambabatas na nag-abstain. Batay sa kasalukuyang nilalaman ng panukalang batas, ang mga sangkot sa iligal na droga lamang ang papatawan ng parusang kamatayan. Inamin ni House Speaker Pantaleon Alvarez na sinadyang tanggalin ang mga kasong plunder at rape sa mga krimeng maaaring saklaw ng parusang ito upang mapabilis ang pagpapasa ng House Bill 4727. Malinaw, mga Kapanalig, na nagmamadali ang lider ng Kamara na ipasa ang isang batas na papatay sa ating mga kababayan.
Madalas ikatwiran ng mga nagsusulong ng parusang kamatayan na makatutulong ito upang sugpuin ang kriminalidad sa ating bansa, kasabay ng giyera kontra droga ng pamahalaan na binuhay ngang muli kamakailan. Ngunit ang Philippine National Police o PNP na rin ang nagsabing mula 1978 hanggang 2008, patuloy na bumababa ang insidente ng krimen sa ating bansa. Hindi ba’t ito rin ang ipinagmamalaki ng kasalukuyang pamunuan ng PNP? Samakatuwid, wala nang dahilan para ibalik ang parusang kamatayan dahil kahit wala nito, mukhang tagumpay ang ating awtoridad na sugpuin ang krimen, hindi po ba?
Sa maraming bansa, nakitang hindi naman talaga nakakasugpo ng kriminalidad ang pagkakaroon ng death penalty. Ang totoo, mababawasan ang krimen kung epektibo ang paghuli sa mga masasamang loob at mahahatulan sila sa patas at mabilis na panahon. Ang tunay na kailangan natin, kung gayon, ay isang kapulisang tumutupad nang tama ang kanilang tungkulin, matalino’t mapanuri, at hindi nabibili ang katapatan.
Para rin sa iba—kahit pa ang ilang Katoliko—ang death penalty raw ang magbibigay ng hustisya para sa mga biktima ng krimen. Ngunit tunay na katarungan ay hindi lamang bunsod ng paghihiganti. Ang katarungan ay maaaring ibigay sa isang makataong paraan. Hindi kamatayan ang dapat nating ihatol sa isang nagkasala, kundi ang pagbibigay sa kanya ng pagkakataong magbagong-buhay at pagkakataon na makabawi sa kanyang nasaktan. Sinabi sa atin ni Pope Francis noong nakaraang taon na ang parusang bitay ay taliwas sa plano ng Diyos para sa atin at sa ating sambayanan. Hindi nito itinataguyod ang hustisyang may awa; o sa Ingles, merciful justice.
Sa maraming pagkakataon, mariing binatikos ng ating mga obispo, sa pangunguna ni CBCP President at Arsobispo ng Lingayen-Dagupan Soc Villegas, ang pagbabalik ng parusang kamatayan. Aniya binibigyan ng panukalang batas na ito ang estado ng “license to kill” o lisensya upang pumatay. Bilang mga Kristiyano, naniniwala tayong ang death penalty ay pagyurak sa kasagraduhan ng buhay at sa dignidad ng tao. Ang death penalty ay hindi pagbibigay ng hustisya kundi paghihiganti. Ang kailangan natin ay isang sistemang pangkatarungang mabibigyang-danyos ang nagawan ng mali at magbibigay ng pagkakataon sa taong nagkasala na mabigyan ng panibagong pag-asa.
Malinaw ang utos sa atin ng Diyos: “Huwag kang papatay.” Sa isyu ng death penalty, maidudugtong natin ito sa isa pang utos ng Diyos na: “Huwag kang magnanakaw.” Sa madaling sabi: Huwag kang magnanakaw ng buhay ng iba. Ang death penalty ay pagnanakaw ng buhay. Mga Kapanalig, kailanman ay hindi magiging tama ang pagpatay. Wala tayong lisensyang pumatay ng tao. Bagama’t nakapasa na sa ikatlong pagbasa sa Kongreso ang HB 4727, patuloy pa rin nating bantayan ang ating mga mambabatas sa Senado. Bilang mga Katoliko, ipaglaban natin ang buhay, at patuloy na tutulan ang pagbabalik ng parusang kamatayan. Kaya pa rin nating maging isang makatao at maka-Diyos na bayan.
Sumainyo ang katotohanan.