253 total views
Sa layuning ito, nagkakasundo ang Simbahang Katolika at Pangulong Rodrigo Duterte na suportahan ang kumpirmasyon ni Gina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources o D-E-N-R.
Tulad ng mga lider ng Simbahan, nakita ng Pangulong Duterte ang dedikasyon at pagmamahal ni Lopez sa kapaligiran gayundin ang pagmamalasakit sa mahihirap na apektado ng pagkasira ng kapaligiran.
Sinabi rin ng Pangulong Duterte na hindi nito hahayaang makompromiso ang kalagayan ng kalikasan laban sa pansariling interes ng mining companies.
Pinatotohanan naman ni Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, chairman ng CBCP NASSA / Caritas Philippines na nasaksihan nila ang paghihirap ng mga mining affected communities na tinutulungan ng Simbahan.
Naniniwala si Archbishop Tirona na matuldukan na ang pagkasirang dinadala ng minahan sa mga komunidad sa confirmation ng appointment ni Lopez.
Kaya naman hiniling din ng Arsobispo, na nawa ay makumpirma na bilang kalihim ng DENR si Lopez.
“Ang NASSA kasama ng iba pang NGOs at iba pang makataong samahan, lahat kami ay sinusuportahan namin ang kumpirmasyon kay Gina para mahinto na yung irresponsible mining na nakakasira ng mga likas yaman ng ating bayan,” pahayag ng Arsobispo sa Radyo Veritas
Magugunitang noong nakaraang Linggo isinagawa ang ikalawang pagdinig ng kumpirmasyon kay Lopez kung saan humarap ito sa 23 kinatawan ng mga kumokontra sa kanya.
Gayunman, inihayag ni Commission on Appointment member Senador Panfilo Lacson na bypassed na ang kumpirmasyon ni Lopez dahil wala ang kalihim sa pagpapatuloy ng confirmation hearing bukas ika-14 ng Marso, 2017.(Yana Villajos)