657 total views
Naninindigan ang Commission on Human Rights o C-H-R na “anti-poor” ang death penalty.
Natitiyak ni CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia na tanging mahihirap ang madidiin at madi-dehado kapag tuluyang naipatupad sa Pilipinas ang parusang kamatayan.
Iginiit de Guia na dahil sa kahirapan at kakulangan ng kaalaman ng mga maralita sa kanilang karapatan ay mapaparusahan sila kahit walang ginawang kasalanan at paglabag sa batas.
Nangangamba ang C-H-R na muling mananaig ang hindi patas na sistema ng batas para sa mga mahihirap na walang kakayang ipagtanggol ang sarili sa korte.
“Ang ipinaglalaban ng kumisyon ay patas na pagtrato sa lahat ng sektor ng lipunan. Sa death penalty laging dehado ang mga kapuspalad. Dapat effective law enforcement.”pahayag ni de Guia sa Veritas Patrol
Nilinaw ng C-H-R na hindi kailanman masusulosyunan ng pagkitil sa buhay ng mga kriminal ang pagpapababa sa kriminalidad sa lipunan sa halip ay mas kinakailangang ayusin ang justice system at patas na pagpapatupad nito.
Kahirapan at kakulangan rin sa kaalaman ang isang nakikitang dahilan ng National Union of People’s Lawyer kung bakit patuloy ang pagsisiksikan at paglaki ng bilang ng mga bilanggo sa mga kulungan sa bansa.
Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong June 2016, 463-porsiyento ang nationwide congestion rate sa 463 na mga bilangguan sa buong bansa.
Nabatid na 112-libong bilanggo ang nagsiksikan sa 463 na bilangguan ng B-J-M-P.
Naninindigan ang Simbahang Katolika na hindi nito ikokompromiso ang paninindigan laban sa umiiral na culture of death sa bansa.
Read: http://www.veritas846.ph/simbahan-hindi-ikokompriso-ang-prinsipyo-paninindigan-sa-culture-death/
Samantala, unang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na bukod sa parusang kamatayan, hindi rin ito sang-ayon sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na ayon sa kaniya ay laban sa dignidad ng tao at pagkakaroon ng pangalawang pagkakataon upang magbagong buhay.