342 total views
Hinimok ng pinunong pastol ng Tagbilaran ang mananampalataya sa Bohol at sa buong mundo na pasiglahin ang espiritwal na aspeto ng buhay.
Ang mensahe ni Bishop Alberto Uy ay kaugnay sa dumaraming kaso ng pagpapatiwakal sa Bohol nitong mga nakalipas na buwan na karamihan ay mga kabataan ang sangkot.
Ayon sa Obispo, ang pananalangin ang mabisang pamamaraan na labanan ang kasamaan na lumaganap sa lipunan na sumisira sa pamilya at bawat tao.
“I inspire everyone, every Boholano family, every 6 o’clock maghiusa ta sa pag-ampo sa Angelus, mag-rosaryo ug kang San Miguel Arkanghel nga atong maglalaban [magkaisa tayo sa pananalangin ng Angelus, Santo Rosaryo at kay San Miguel Arkanghel],” panawagan ni Bishop Uy.
Naniniwala ang Obispo na sa sama-samang pagdarasal ay manumbalik ang sigla ng pagbubuklod-buklod ng pamilya at higit na magabayan ang bawat miyembro lalo na kung may mga pinagdadaanang suliranin.
Sinabi ng Obispo na ang tumataas na kaso ng suicide na umaabot na sa higit sampung kaso ay maituturing na pakikipaglaban sa masamang espiritu na gumugulo sa mamamayan na bahagyang lumayo ang relasyon sa Panginoon.
Paliwanag ng Obispo na isang kumplikadong usapin ang suicide at wala itong partikular na mga dahilan kung bakit nagagawa ng tao ang pagpapakamatay sapagkat iba-iba ang suliranin na kinakaharap nito sa buhay.
MGA SANHI NG SUICIDE
Tinukoy ni Bishop Uy ang ilan sa mga posibleng sanhi ng pagpapatiwakal ng tao; una ang kahirapan na kadalasang kinakaharap ng tao, mental health issues, emotional issue na posibleng nakaranas ng trauma ang isang tao mula pagkabata kaya’t mahina ang emosyonal na aspeto na maaring sanhi ng agarang pagsuko sa bawat hamon.
Bukod dito ay binigyang pansin din ni Bishop Uy ang kaso ng bullying, pagkalulong ng tao sa alak at ipinagbabawal na gamot at maging ang genetic o may mga kaanak noon na namatay din bunsod ng suicide.
Aniya, ang labis na stress dulot ng trabaho, gawi ng pamumuhay maging ang pagkainggit sa kapwa ay maaring magtulak din sa tao na magpakamatay.
Giit nito na maituring na pinakamalaking sanhi dito ang kawalan ng panahon ng tao sa pakikipag-usap sa Panginoon at nakatuon lamang sa mga materyal at makamundong bagay.
PAGTUGON SA SUICIDE
Sinabi pa ni Bishop Uy na dapat magtulungan ang lahat ng sektor ng lipunan sa pagtugon sa kaso ng suicide na ayon sa World Health Organization 800, 000 katao ang nagpapakamatay bawat taon o katumbas sa isang tao sa loob ng 40 segundo kayat labis na nakakabahala ang usapin.
“We need to address it in different perspective unya kinahanglan ni siya ug [kinakailangan nito ang] multi-approach, kinahanglan ni siya ug [kaialangan dito ang] collaborative effort,” sinabi pa ni Bishop Uy.
Dahil dito, labis ang pasasalamat ng Obispo sa kagyat na pagtugon ng ilang indibidwal na nag-organisa ng grupong kinabibilangan ng mga health professionals, volunteers at advocates, mga guro, magulang at kabataan na handang makiisa sa pagsugpo sa suicide.
Kabilang na rito ang PAGPAKABUHI (PAGhatag ug PAgtagad sa KAbililhon sa kinaBUHI): An Advocacy for Mental Health na layong umikot sa mga lugar sa Bohol upang magbigay ng seminar na makatutulong mapalalim ang kamalayan ng mamamayan sa mental health.
Ikinatuwa rin ni Bishop Uy ang pakikilahok ng mga kabataan na nag-organisa ng Project Bohol: Mental Health Awareness kung saan naglunsad ito ng mga numero na maaring matawagan ng mga taong nangangailangan ng makakausap.
“Nakatutuwa ang mga kabataan na kumikilos sila para matugunan ang problema dahil alam nila ang lenggwahe ng mga kabataan,” saad ng Obispo.
Batay sa social media page ng Project Bohol maaring tumawag sa mga suicide prevention and emotional crisis hotlines sa PAGLAUM CENTRO BISAYA 09399375433, 09399365433, 09276531629 sa IN TOUCH COMMUNITY SERVICES INC naman sa 09228938944 habang sa NATIONAL CENTER FOR MENTAL HEALTH CRISIS HOTLINE naman sa 09178998727.
Bukas din ang mga Madre sa Bohol na tumulong sa paglingap sa mga taong nangangailangan ng counselling at spiritual direction sa kanilang mga tanggapan o kombento at sa St. Joseph Cathedral sa Tagbilaran City.
Sa huli ay hinimok ni Bishop Uy ang bawat mamamayan na palawakin ang pagbibigay ng oras sa pamilya upang mas makasalamuha ang mga miyembro nito lalo na ang mga kabataan na may kinakaharap na hamon sa buhay.
SUMMIT FOR FAMILIES
Magsasagawa rin ng pagtitipon ang Diyosesis ng Tagbilaran sa pangunguna ng Commission on Family and Life sa darating na ika – 19 ng Oktubre na layong tatalakayin ang usaping pangkaisipan.
Inaanyayahan nito ang lahat na makilahok sa pagtitipon at pakinggan ang mga ibabahagi ng eksperto sa larangan ng mental health na makatutulong sa paggabay sa bawat pamilya.
Magsisimula ang Summit for Families on Mental Health alas 7:30 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon sa Bohol Cultural Center.
Ilan sa mga magbabahagi sina Hon. Miriam Cue, PhD isang registered psychologist at chairman ng Board of Psychology na tatalakay sa ‘Mental Health and Spiritual Care’; Lillian Gui, MA, Chairperson ng Counselling Psychology Division ng Psychological Assosciation of the Philippines na sesentro naman ang tatalakayin sa ‘Understanding the Youth in the Age of Social Media’; Ma. Margarita II Magdoza – Bandija, MS ang head ng Human Resource Department ng Holy Name University na tatalakay sa ‘Families in Raising Children with Special Challenge’; at Dr. Rene Josef Bullecer, MD ang National Director ng Human Life International na tatalakay sa ‘Beatitudes for the Youth.’
Para sa karagdagang detalye makipag-ugnayan lamang sa 09328725761, 09171872779 at 09234542147