283 total views
Hindi nais ng Simbahang Katolika na iwanan ng pamahalaan ang laban nito sa malawak na suliranin sa ipinagbabawal na gamot sa halip ay isinusulong lamang nito ang makataong pagsugpo sa problema.
Ipinaliwanag ni Rev. Fr. Edu Gariguez – Executive Secretary ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines na hindi lamang dapat na i-ugnay sa krimen ang illegal na droga kundi maging sa problemang pangkalusugan at pangsikolohikal na nangangailangan ng rehabilitasyon at pagsagip sa mga nalulong na.
Iginiit ng Pari na mananatili ang paninindigan ng Simbahang Katolika sa katotohanan at para sa kapakanan ng mas nakararami lalo na sa mga mahihirap na nagiging biktima ng madugong war on drugs ng pamahalaan.
“Ang Simbahan ay naninindigan sa katotohanan at kapakanan ng mga nakararami ganun din yung mga mahihirap na nagiging biktima. Hindi po natin sinasabing iwanan yung issue ng drug kasi yung drug abuse at drug problem ay talagang palasak na dapat pagtuunan ng pansin. So hindi sila mga tao na dapat na patayin, kinakailangan silang sagipin, dahil ang problema ng drugs ay hindi lamang dapat iugnay sa krimen, ito ay isang mahalagang pagtuunan din ng pansin ang rehabilitasyon…” pahayag ni Father Gariguez sa panayam sa Radio Veritas.
Pagbabahagi pa ng Pari, patuloy na susuportahan ng CBCP-NASSA / Caritas Philippines ang mga isinasagawang hakbang ng iba’t ibang diyosesis sa buong bansa upang mabigyan ng pagkakataon na makapagbagong-buhay at maituwid ng mga nalulong sa illegal na droga ang kanilang mga nagawang kamalian.
“Sa bahagi po ng Simbahan may mga initiative ang iba’t ibang mga dioceses, ituloy po natin at bigyan natin ng pagkakataon na magbagong-buhay o di kaya ay maituwid kung anuman yung mga kamalian…” Dagdag pa ni Fr. Edu Gariguez.
See: State policy sa “war on drugs”, baguhin
Kaugnay nga nito, batay sa pinakahuling tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Mayo nasa mahigit 4.7-milyon ang bilang ng mga gumagamit ng ilegal na droga sa bansa partikular na ng shabu, marijuana, cocaine, ecstasy at solvent.
Matatandaang nauna nang inihalintulad ng Kanyang Kabanalan Francisco sa bagong uri ng pang-aalipin ang drug addiction na dapat tugunan ng bawat bansa sa pamamagitan ng edukasyon at rehabilitasyon, kung saan ayon kay Pope Francis ang mga nalulong sa illegal na droga ay mga biktima na nawalan ng kalayaan dahil sa pang-aalipin ng ipinagbabawal na gamot.