7,355 total views
Patuloy na nananawagan ng tulong ang Apostolic Vicariate of Puerto Princesa (AVPP) para sa mga pamilyang naapektuhan ng malawakang pagbaha dulot ng shearline sa Puerto Princesa City, at mga karatig na bayan sa Southern Palawan.
Ayon sa huling update ng AVPP-Commission on Social Action, umabot na sa kabuuang P14,300 ang nalikom na donasyon na nakalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Samantala, batay sa ulat ng Palawan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), lima na ang naiulat na nasawi dahil sa matinding pagbaha at pag-uulan.
Mahigit-10,000 indibidwal o 2,044 pamilya naman ang inilikas at kasalukuyang nananatili sa evacuation centers o sa tahanan ng mga kamag-anak na nasa mas ligtas na lugar.
Sa paggunita ng Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes, nanawagan si Bishop Socrates Mesiona na ipagdasal ang kagalingan ng mundo habang binigyang-diin na kailangan ding kumilos at maging responsable bilang tagapangalaga ng kalikasan.
Sa mga nais magpaabot ng tulong, maaaring dalhin ang in-kind donations sa AVPP Social Action Center, Balay Padi, Seminario de San Jose, South National Highway, Tiniguiban, Puerto Princesa City, Palawan, at hanapin si Jerome dela Cruz.
Para naman sa cash donations, maaari itong ipadala sa GCash Account na Socrates Mesiona sa 0915-379-3054 o sa Metrobank Account name: Vicar Apostolic of Puerto Princesa, Inc. sa Account No.: 576-7-57-600821-6.
Paalala ng simbahan sa publiko na mag-ingat laban sa mga kahina-hinalang indibidwal na maaaring manamantala upang makapanlinlang ng kapwa sa ngalan ng simbahan at ang nangyayaring sakuna.