1,978 total views
Kasabay ng pagdiriwang ng Jubilee Year ng simbahang Katolika at International Year of Cooperative, ang panawagan para sa pagpapalakas ng pagtutulungan hindi lamang sa pananampataya kundi maging sa pangkabuhayan.
Ito ang binigyan diin ni Fr. Anton CT Pascual, pangulo ng Radyo Veritas at executive director ng Caritas Manila sa panayam ng Buhay Kooperatiba ng Radyo Veritas.
Iginiit ni Fr. Pascual na siya ring pinuno ng Ministry on Cooperatives and Social Enterprises Development (MCSED) ng Archdiocese of Manila, napapanahon ang magkasabay na pagdiriwang sa panawagan sa pagpapalakas ng simbahan ng kooperatiba.
“Kayat ang taong ito, tamang-tama very timely, pinagsabay ang jubilee year at International Year of Cooperatives na mapalakas po natin ang kooperatiba ng simbahan,” ayon kay Fr. Pascual.
Ipinaliwanag ng pari na magkaugnay ang kooperatiba at ang Jubilee Year batay sa kasaysayan ng pananampalatayang Kristiyano, na ang ating mga ninuno ay hindi lamang sama-samang nagdarasal kundi ay nagtutulugan sa kanilang kabuhayan, kaya’t walang nagugutom, at walang nangangailangan.
“Ang kooperatiba ay hindi malayo sa misyon ng simbahan sa pagkakaisa at pagpapalaganap ng katarungang panlipunan at ang common good na ating tinatawag na kabutihang panlahat,” ayon pa kay Fr. Pascual.
Sinabi ng pari na layunin ng pagdiriwang ang pagpapalakas sa buong mundo ng kahalagahan ng kooperatiba, bilang positibong organisasyon na nagbibigkis sa mga pamayanan lalong-lalu na ‘yong maliliit na magtulungan sa kanilang kabuhayan.
Kasabay nito, bilang pagdiriwang sa International Year of Cooperatives, inaanyayan ng pari ang mga lider ng mga kooperatiba sa bansa, lalon na ang church based cooperative na makiisa sa pagtitipon na gaganapin sa Jan. 31 sa Quezon City Circle kasama ang Cooperative Development Authority.
Mula sa isang bilyong miyembro ng kooperatiba sa buong mundo, may 20-libong kooperatiba sa Pilipinas na may 12 milyong miyembro, kung saan ang simbahan ay mayroon ding Union of Catholic Church-Based Cooperative (UCC).