421 total views
Patuloy na nananawagan ng panalangin ang Arkidiyosesis ng Lipa hinggil sa pagtaas ng alert status ng Bulkang Taal sa Batangas mula alert level 1 sa alert level 2.
Ayon kay Lipa Archdiocesan Social Action Commission Director Fr. Jayson Siapco, bagamat nakataas ang alert level 2 ay hindi pa naman kinakailangang lumikas ang mga maaapektuhang residente ng lalawigan.
Pagbabahagi ng pari na nagsagawa na ang iba’t ibang lokal na pamahalaan sa lalawigan ng pagtukoy sa mga lugar na magiging ligtas na evacuation area sakaling lumala ang sitwasyon ng bulkan.
Inihayag ni Fr. Siapco na nagpaplano ang Arkidiyosesis na bubuksan ang mga simbahan at iba pang pasilidad para sa mga magsisilikas na residente.
“Because of COVID, hindi naman siya katulad dati na anytime pwede magpapakain lang tayo, we can accomodate them. But this time, we have to be careful also,” bahagi ng pahayag ni Fr. Siapco sa panayam ng Radio Veritas.
Paliwanag ng pari na kapag binuksan na ang mga simbahan upang maging evacuation center ay kanilang titiyakin ang patuloy na pagsunod sa health protocols upang makaiwas na mahawaan ng virus.
“For sure magbubukas tayo pero kailangan lang natin ilatag ang protocol. If ever na mag-evacuate ang mga tao, then we can openly and courageously open our churches and our institutions praticing health protocols,” ayon kay Fr. Siapco.
Maliban dito ay patuloy rin ang pagtulong ng Arkidiyosesis sa mga residenteng isang taon nang namamalagi sa mga evacuation centers magmula nang magligalig ang bulkan noong nakaraang taon.
Batay sa huling ulat ng PHIVOLCS, naitala ang Alert level 2 status na nangangahulugan ng pagtaas ng antas ng pagliligalig makaraang makapagtala ng 28 bilang ng pagyanig sa paligid ng bulkang Taal.
Ika-12 ng Enero, 2020 nang nagsimula ang phreatic eruption na tinatayang aabot ng 100-metro ang taas ng ibinugang abo ng bulkan na umabot sa mga karatig na lugar tulad ng Cavite, Laguna, Metro Manila at Bulacan.