287 total views
Mga Kapanalig, mula nang maupo bilang presidente ng Pilipinas si Pangulong Duterte, nag-umpisa na ang marahas at madugong giyera kontra-droga kung saan literal na dumanak ang dugo sa mga lansangan at maralitang pamayanan ng libu-libong pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga. Ngayon naman, may isang nakaaalarmang panukalang batas na dapat nating bantayan at suriing mabuti.
Isang linggo matapos ang “misencounter” sa pagitan ng mga ahente ng Philippine National Police (o PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (o PDEA), inaprubahan sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang isang batas na magbibigay ng legal presumption sa kung sino mang itinuturing na importer, financier ng ilegal na droga, at mga nagpopondo, pumoprotekta, o kumukupkop sa mga drug suspects. Ibig sabihin, ang aarestuhing indibidwal na sinasabing maaaring nakagawa o gumagawa ng mga aktibidad na may kinalaman sa ilegal na droga ay ipapalagay nang nagkasala. Layon ng panukalang ito na amyendahan at bigyan ng ngipin ang Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Umabot sa 188 ang bilang ng mambabatas—na karamihan ay kaalyado ni Pangulong Duterte—ang bumotong pabor sa House Bill No. 7814, habang 11 ang tumutol at 9 ang nag-abstain o hindi bumoto. Karamihan ng mga sumalungat ay nababahala sa probisyon ng House Bill No. 7814 na para bang “guilty until proven innocent” ang sinumang nais papanagutin ng batas.
Delikadong maging batas ang panukalang ito lalo na’t lantaran nitong isinasantabi ang nakasaad sa Bill of Rights ng ating Konstitusyon na nagsasabing “sa lahat ng mga pag-uusig na kriminal, ang nasasakdal ay dapat ituring na walang sala hangga’t hindi napatutunayang nagkasala nang higit pa sa makatuwirang pagdududa.” Malinaw na karapatan ng bawat isa sa ating magkaroon ng mabilis, patas, at hayagang paglilitis at dumaan sa tamang proseso ng batas.
Kung magiging batas ang House Bill No. 7814, hindi malayong arestuhin ang kahit sino nang wala man lang matibay na ebidensya laban sa kaniya. Mas magkakaroon ng dahilan ang mga tagapagpatupad ng batas na maging marahas sa pag-aresto ng mga drug suspects. Maaaring itulak nito ang awtoridad na makagawa ng mga paglabag sa karapatang pantao at abusuhin ang kanilang kapangyarihan habang patuloy lamang silang dumudulas sa kamay ng batas.
Sa harap ng patuloy na paghahanap ng hustisya para sa libu-libong namatay dahil sa giyera kontra-droga ng administrasyong Duterte, hindi makatarungan isang patakarang lantarang isasantabi ang due process at ang karapatan ng bawat akusadong maipagtanggol ang sarili sa harap ng hukuman. Nakababahala ito sa ating bansa kung saan usad-pagong ang sistemang pangkatarungan. Malinaw sa mga panlipunang turo ng Simbahan katulad ng Pacem in Terris na tungkulin ng pamahalaanng tiyaking ang mga karapatang pantao ay kinikilala at iginagalang nang sa gayon ay makamit natin ang kabutihang panlahat. Kung hahayaan ng mga mamamayang balewalain ng Estado ang batas, walang mananagot sa mga pagkakataong nalalabag ang ating mga karapatan.
Mga Kapanalig, paano tayo magiging panatag sa ating bansa kung ang mismong Estadong may tungkulin na protektahan ang karapatan ng mamamayan ay pumapalya sa pagsunod sa batas? Paano magkakaroon ng kaayusan sa ating lipunan kung ang mismong mga tagapagpatupad ng batas ang siyang nagkakagulo sa kani-kanilang mga operasyon. Sa paggulong ng panukalang ito, hindi natin maaaring sabihing walang dapat ikatakot kung walang masamang ginagawa. Hindi natin ito maaaring sabihin sa mga nadamay na inosenteng biktima ng war on drugs at sa mga inakusahan at pinatay na pinagkaitan ng due process. Gaya nga ng sabi sa Kawikaan 31:8, “ipagtanggol ang karapatan ng mga taong hindi maipagtanggol ang kanilang mga sarili.” Kaya naman, kailangan nating makialam sa paggawa ng mga batas dahil nakasalalay dito ang kalayaan at karapatan nating lahat.