622 total views
Nakatakdang gawaran ng prestihiyosong Pauline Jaricot Award ng Pontifical Mission Society si Benedictine nun Sr. Mary John Mananzan, OSB bilang pagkilala sa kanyang pagbihirang misyon hindi lamang sa paglilingkod sa Panginoon kundi maging para sa kapakanan ng mas nakararami.
Ayon kay Sr. Mananzan, kasalukuyan na siyang nasa Germany upang personal na tanggapin ang pagkilala sa ika-23 ng Oktubre, 2022 kasabay ng international celebration ng World Day of Prayer at World Mission Sunday.
“I am in Germany to receive another award aside from CEAP’s 2022 Pro Deo Et Patria Award] the Pauline Jaricot Award to be given by Missio on Oct. 23.” Ang bahagi ng mensahe ni Sr. Mananzan sa Radio Veritas.
Ang prestihiyosong Pauline Jaricot Award ay iginagawad ng Pontifical Mission Society na organisasyong kumakatawan sa pagsuporta ng Santo Papa Francisco sa mga misyonero para sa mga kababaihang mula sa Africa, Asya at Oceania na nakapagpamalas ng tunay na diwa ng pagkakawanggawa.
Pagbabahagi ng Pontifical Mission Society, ganap na naisabuhay ni Sr. Mananzan ang mga katangian ni St. Pauline Jaricot na paglilingkod sa Panginoon hindi lamang sa pamamagitan ng pananalangin kundi sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at pagtulong sa kapwa bilang daluyan ng pagmamahal ng Panginoon para sa lahat.
“Sr. Mary John is being honored for exemplifying the qualities of St. Pauline Jaricot “living joyfully the vocation that God gave her, teaching a spirit of prayer and loving sacrifice, and bringing mission into every moment.”
Bukod sa Pauline Jaricot Award ng Pontifical Mission Society nakatakda ring gawaran si Sr. Mananzan ng 2022 Pro Deo Et Patria Award ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) biglang pagkilala sa kanyang natatanging paninindigan at pagsusulong ng katarungang panlipunan bilang bahagi ng kanyang paglilingkod sa Panginoon at pagpapalaganap ng mga turo ng Simbahan.
Nakatakda ang paggagawad ng CEAP ng 2022 Pro Deo Et Patria Award kay Sr. Mananzan sa ika-26 ng Oktubre, 2022.
Si Sr. Mananzan ay kasalukuyang nagsisilbi bilang Vice President for External Affairs of St. Scholastica’s College at isa rin sa mga nangungunang religious personality na matapang na nagsusulong ng katurungang panlipunan sa bansa.