2,222 total views
Naanyayahan ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ang iba’t ibang sektor ng lipunan partikular na ang mga bumubuo sa istasyon ng SMNI sa isang mapayapang dayalogo at prayerful discernment para sa katotohanan at pag-ibig.
Ito ang bahagi ng pastoral message ni Bishop Alminaza para sa SMNI matapos ang ginawa sa kanyang red-tagging ng ilang hosts ng istasyon kasunod ng kanyang panawagan ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan bilang convenor ng Pilgrims for Peace.
Ayon sa Obispo na siya ring vice chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Action Justice and Peace, nakababahala ang mga pahayag, maling paratang at red-tagging ng istasyon ng SMNI laban sa mga peace advocates at maging sa mga lingkod ng simbahan.
“I am most concerned with the strong statements of the SMNI against the Church people and other peace advocates who are calling for the resumption of the peace process. I am therefore inviting all sectors, most especially the SMNI program hosts, to a prayerful discernment and a peaceful dialogue for truth and love.” Ang bahagi ng pahayag ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza.
Pagbabahagi ng Obispo, bilang kinatawan ng Simbahang Katolika at pinunong pastol sa lalawigan ng Negros ay hindi mababago ang kanyang paninindigan para sa pagsusulong ng karapatan ng mga mahihirap at mga naisasantabing sektor sa lipunan.
“As a pastor in the Negros Island, and of the Church of the Poor in the Philippines, the word of the Lord emboldens me to serve the poor and to be in solidarity with the lost, the least and the last.” Dagdag pa ni Bishop Alminaza.
Muli namang nanawagan si Bishop Alminaza sa bawat mananampalataya na patuloy na tumugon sa panawagan ng Panginoon na pagkalinga sa mga nangangailangan, pagsusulong ng kalayaan, at pagbibigay boses sa mga biktima ng iba’t ibang kawalan ng katarungan.
Paliwanag ng Obispo, bahagi ng tungkulin ng mga Kristiyano ang tuwinang paninindigan sa tama at mabuti sa kabila ng anumang banta ng kapahamakan at karahasan dulot ng kawalan ng katarungan sa lipunan.
“I call on all people of faith to embrace the poor in good conscience, to be devoted followers of Christ, the peace worker par excellence. Jesus called us to show our love for Him by taking care of His sheep. We obey His commandment of love by continuing to speak on behalf of the voiceless and victims of violence and injustice; by contradicting the excesses of political power and state forces; and by caring amidst the senseless murder of ordinary and poor Filipinos, civilians and even military and police personnel.” Ayon pa kay Bishop Alminaza.
Naganap ang nasabing red-tagging kay Bishop Alminaza ng programang ‘Laban Kasama ang Bayan’ ng SMNI noong February 22, 2023 kung saan tahasang pinaratang ang Obispo ng pagsusulong ng ideyolohiya ng mga kumunistang grupo sa bansa.