272 total views
Ang pangangalaga ng ating mga lungsod ay napakahalagang usapin sa ating bansa. Padami ng padami ang mga mamamayan sa ating mga syudad. Pabilis naman ng pabilis ang buhay dito. Nagbabago at dumadami ang ating pangangailangan. Kung hindi natin masasabayan ang mga pagbabagong ito, kawawa ang ating mga lungsod at ang mga nakatira dito. Kailangan nating matiyak ang mabuting pag-unlad sa kalunsuran upang tiyak din ang magandang buhay at magandang kinabukasan ng lahat.
Ayon sa World Bank, halos kalahati na ng ating kabuuang populasyon ang nakatira sa mga syudad. Base sa opisyal na datos, 33 na ang ating highly urbanized cities, at labing anim nito ay nasa National Capital Region. Apat sa ating mga highly urbanized cities ay mahigit pa sa isang milyon ang populasyon. Ito ay ang Quezon City (na may 2.96 million tao), Manila (1.85 million), Davao City (1.78 million), at Caloocan (1.66 million).
Marami ng mga hamon sa mga highly urbanized cities natin, kapanalig. Ang ilang mga lungsod sa Pilipinas ay may problema sa trapiko dahil ang imprastraktura ay kulang habang napakadami ng mga sasakyan. Marami ring mga lungsod ang sagad na ang mga espasyong pantirahan sa ilang mga lugar. Kaakibat ng pagsikip na ito ay ang kakulangan sa mga dekalidad na batayang serbisyo gaya ng tubig at sanitasyon, pangkalusugan, at maging ang edukasyon. Lahat ng mga hamong ito ay nagiging malalala dahil ang mga lungsod ay hindi naplanong mabuti at ang pamahalaan ay walang sapat na pera o mapagkukunan upang ayusin ang mga problema.
Ang urban development sa Pilipinas ay isang masalimuot na proseso na nangangailangan ng masusing pagpaplano at pagtutulungan sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at ng publiko. Ang proseso ay dapat na maingat na planuhin upang ang mga gusali at imprastraktura ay maitayo sa paraang ligtas at kaaya-aya sa publiko. Dapat regular na konsultahin ang mga mamamayan upang matiyak na sila ay masaya sa pag-unlad ng kaunlaran sa kalunsuran. Ang mga lungsod natin ay dapat people-centered, sustainable, green, at resilient. Napakahalaga na magawa natin ito lalo pa’t bulnerable ang ating mga syudad sa banta ng mga sakuna.
Ayon sa Laudato Si, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: Nababatid natin ang hindi maayos na paglago ng maraming lungsod. Our cities have become unhealthy to live in not only because of pollution caused by toxic emissions but also as a result of urban chaos, poor transportation, and visual pollution and noise.
Kapanalig, marami sa ating mga lungsod ay napakalaki pero masikip ang kabahayan, di sapat ang mga istraktura pero napakaraming mga behikulo, walang mga parke at salat sa sa puno at halaman, at labis ang aksaya ng enerhiya at tubig. Kapanalig, asan ang ang dignidad sa syudad na nagnanakaw ng kalidad ng buhay ng mga tao? Sabi ng ani Pope Francis: Hindi tayo nilikha ng Panginoon na makulong sa semento, aspalto, salamin at metal, at pagkaitan ng natural na pakikipag-ugnayan sa kalikasan. Ang ating mga syudad, kapanalig, ay dapat maging kanlungan ng buhay.
Sumainyo ang Katotohanan.