
Homiliya para sa Huwebes sa Panlimang Linggo ng KP, 12 Peb 2026, Mk 7, 24-30
Minsan may nagtanong sa akin sa isang bible study session: Si Jesus daw ba ay nag-apologize din? Nagkaroon daw ba kaya ng sitwasyon na nagsabi siya ng, “Sorry po.”? Nagkataon na ang pagbasang tinatalakay namin noon sa session na iyon ay ang kuwentong binasa natin ngayon kay San Marko—ang tungkol sa babaeng taga Syro-Fenicia.
Imbes na sagutin ko siya kaagad, tinanong ko muna siya, “Naniniwala ka ba na si Jesus ay Diyos na totoo?” Sagot niya, “Opo.” “Pero naniniwala ka rin na siya ay naging taong totoo?” Sagot niya, “Opo.” Sabi ko, kung pinalaki siya bilang isang mabuting tao at tinuruan siyang magpakatao ng mga magulang niyang sina Jose at Maria, sigurado ako, tulad natin, naturuan din siya na magsabi ng tinatawag na magic words, tulad ng “please,” “thank you,” at “sorry.”
Mabilis nag-follow up yung nagtatanong, “Pero di ba Diyos siyang totoo at hindi siya nakaranas na magkasala?” Sabi sa Hebrews 4:15, “He was one like us in all things but sin.” “Katulad natin siya sa lahat, maliban sa pagkakasala.” Paano daw siya magsosorry kung wala naman siyang kasalanan? Ibinalik ko sa kanya ang tanong, “Ikaw, na-experience mo na ba na mag-sorry kahit wala ka namang kasalanan?” Napaisip siya, at sinabi, “Minsan po sa school, habang nagrerecite sa teacher, may biglang pumutok na labentador sa labas at sa pagkagulat ko, napamura ako, ‘Ay puto!’” Alam nyo ang talagang nabigkas niya, at natawa daw ang mga classmates nya. Siyempre daw nagsorry siya sa teacher nya. Sabi ko, “Ba’t ka nagsorry, kasalanan mo ba?” Sagot niya, “Kasi nabigla ang titser sa lumabas sa bibig ko habang sinasagot ko ang tanong niya. Pero hindi ko naman sinasadya, nagulat lang ako.”
Bumalik ako sa Bible. Sabi ko, “Noong nawala si Jesus sa piling ng magulang niya at natagpuan siya pagkatapos ng tatlong araw sa templo, palagay mo ba napagalitan siya?” Sabi niya, “Palagay ko po. Kasi sinabi ni Mama Mary, “Anak, ba’t mo naman ginawa ito? Kami ng tatay mo ay alalang-alala sa paghahanap sa iyo.” Sabi ko, “Wala man sa kuwento, pero kung naturuan ng mabuting asal si Jesus, palagay ko nagsorry siya.”
Ganoon din sa kuwentong binasa natin tungkol sa babaeng dayuhan na lumapit kay Jesus at medyo makulit. Take note, hindi siya ka-relihiyon, ibang Diyos ang sinasamba niya. Kaya nasabi ni Jesus, “Dapat mauna munang kumain ang mga kaanak. Hindi tama na kunin ang pagkain ng mga bata at itapon sa mga aso.” Pero imbes na magalit ang babae, nagpakumbaba siya. Sagot niya, “Sir, kahit naman po ang mga aso nakikiamot sa mga mumo na nahuhulog sa mesa ng amo.” Sa madaling salita, tinanggap niya na hindi karapatan ang hinihingi niya kundi awa, kaunting mumo. Pero hindi siya nasiraan ng loob dahil tinawag siyang aso. Nagpakumbaba siya alang-alang sa anak niya.
Noon parang natauhan si Jesus. At kahit wala sa kuwento, palagay ko naramdaman niya na nasaktan ang kalooban ng babae sa nasabi niya. Kaya’t hindi ako magtataka—kahit wala sa kuwento—palagay ko nagsorry siya. Sa imahinasyon ko, kung may pakiramdam siya, palagay ko nasabi niya, “Sorry ha. Pasensya ka na sa nasabi ko. Pagod lang ako. Sige, umuwi ka na, magaling na ang anak mo.”
Kung minsan, mas malakas talaga ang dating ng pagpapakumbaba kaysa pakikipagtalo kapag nasaktan ang pride natin.






