5,583 total views
Umapela ng suporta sa pamahalaan ang AMIHAN Women’s Peasant Group at Bantay Bigas para sa mga magsasaka ng palay na naapektuhan ng El Niño at magkakasunod na kalamidad sa bansa.
Ayon kay Cathy Estavillo, Amihan Secretary General at Bantay Bigas spokesperosn, bilyong pisong halaga ng pananim ang sinira ng mga nagdaang kalamidad.
Inihayag ni Estavillo na dapat resolbahin ng pamahalaan ang pagliit ng produksyon ng palay at gulay upang makarekober ang mga magsasaka sa halip na pagtuunan ng pansin ang importasyon.
“Ang problema sa gobyerno, imbes na resolbahin ang pagliit ng produksyon ng palay at matulungan ang mga magsasaka makarekober, awtomatikong ang sagot ay importasyon. Kami ay kritikal dito, lalo na’t paulit-ulit na ang ganitong sistema, sa kabila ng aming panawagan na huwag gawing justification ang kalamidad para mag-import, kundi paunlarin ang lokal na produksyon,” ayon sa mensahe ni Estavillo na ipinadala sa Radio Veritas.
Itinuring din ni Estavillo na “criminal negligence” ang kakulangan ng pamahalaan sa pagpapatuloy ng pagmimina, illegal logging at land and sea reclamation na sinisira ang kalikasan na nagdudulot ng malawakang pagkasira ng tahanan at kabuhayan ng mamamayan.
“Matagal na naming panawagan na dapat suportahan ng gobyerno ang produksyon ng palay, na makaabot man lang sa 100 kaban kada ektarya, dahil nagagawa na ito ng mga magsasaka sa iba’t ibang lugar, basta may sapat na puhunan. Kung nagpatupad lang ng mga tunay na reporma ang rehimeng Marcos, tumaas sana ang yield nitong unang 3 quarters, kahit pa tinamaan ng El Niño at mga bagyo,” bahagi pa ng mensahe ni Estavillo.
Taon-taon ay umaabot sa 20-bagyo ang nananalasa sa Pilipinas at madalas ding nararanasan ang mga lindol dahil kabilang ang bansa sa tinatawag na Pacific Ring of Fire.
Naitala naman ng pamahalaan ang pagkalugi na umabot sa 3.1-billion pesos matapos maranasan ang matinding tag-tuyot na idinulot ng El Niño Phenomenon.
Unang umapela ng pakikiisa sa sambayanan si San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari upang matugunan ang masamang epekto ng El Niño sa mga mamamayan at kabuhayan ng mga magsasaka.