Homiliya para sa Miyerkoles sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, 11 Marso 2026, Mat 5:17-19
Ang binasa nating ebanghelyo ay parte ng mahabang sermon on the mount, o aral sa bundok, ni Hesus. Dito sa binasa natin parang sinasagot niya ang mga bumabatikos sa kanya lalo na sa mga Pariseo na nagsasabing ipinagwawalang-bahala daw niya ang Banal na Kasulatan, ang tinatawag nilang Torah at Nebi’im. Sabi niya, nagkakamali sila. Sa katunayan, ang layunin niya ay ang bigyan ito ng katuparan.
Salitang Hebreo ang “Torah” at “Nebi’im”: ito ang dalawang pangunahing bahagi ng Banal na Kasulatan para sa mga Hudyo. Ang karaniwang Tagalog translation para sa “Torah” ay Batas at ang para sa “Nebi’im” ay Propeta. Okey ako sa Propeta, pero hindi ako kuntento sa Batas. Dahil kahit totoong malaking bahagi ng Torah ang Batas, para mga dalubhasa, ang mas tamang salin ng Torah sa Tagalog ay KATURUAN, o sa mas maikling salita, TURO. (Hawig na hawig, di ba? TORAH at TURO). Kaya dito rin hango ang ating salita para sa titser: TAGATURO, o sa mas maikling salita, GURO.
Totoo naman na iyon ang pangunahing gawain ng guro o titser, di ba? Ang magturo. Kumbaga sa biyahe, ituturo lang niya ang daan. Tayo pa rin ang gagawa ng lakbayin. At hahantong tayo sa ating patutunguhan kung susunod tayo sa turo niya. Kung hindi, pwede tayong maligaw ng landas.
Kahit sa Lumang Tipan, madalas nating marinig na ilarawan ang Diyos ng Israel bilang Guro o Tagaturo. Sa chapter 2:3 ng Aklat ni Propeta Isaias 2, may orakulo ang propeta tungkol sa mangyayari bago magwakas ang panahon: daragsa daw ang mga tao mula sa iba’t ibang bansa sa buong daigdig patungong Jerusalem. Sasabihin daw nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Diyos ni Jacob. Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Ang Diyos ay inilalarawan bilang Guro, at ang bayan naman ay mag-aaral o istudyante. Iyun din ang madalas nating iugnay sa salitang “disipulo” o alagad—mag-aaral. Sayang nga lang kapag ang pag-aaral ay ini-equate natin sa pagpasok sa eskuwelahan. Madalas kong sabihin sa mga pari, delikado ang paring nag-aakalang tapos na ang pag-aaral niya dahil gumradweyt na siya sa seminaryo. Delikado rin ang duktor na hindi na nag-aral mula nang matapos sa medical school. Applicable ito sa ating lahat—hindi lang sa pari at duktor.
Ang buhay ng tao ay walang hintong pag-aaral. Napaka-delikado kapag huminto na sa pag-aaral ang tao, kapag akala niya alam na niya ang lahat. Kapag ang tao ay wala nang bagong natututuhan, baka ibig sabihin patay na siya. At para magpatuloy sa pag-aaral, para matuto, laging kailangan ang makinig, magnilay, magsumikap na makaunawa, maisabuhay ang natututuhan, manatiling mababa ang loob, hindi matigas ang ulo. Sabi ng isang Pilosopo, “Kung kailan tayo nakakaalam, mas lalo nating natutuklasan ang ating kamangmangan, mas lalo tayong namumulat na marami pa pala tayong hindi alam.”
Sa yumaong Pope Paul VI na ngayon ay Santo na, sa kanya ko unang narinig ang kasabihan, “Modern human beings tend to listen more to witnesses than to teachers. If they listen to teachers it is because they are witnesses.” Sa Tagalog, “Mas pinakikinggan ng modernong tao ang mga patotoo kaysa tagaturo. Kung pakikinggan nila ang tagaturo, ito’y dahil siya mismo ay nagpapatotoo sa kanyang itinuturo.”
Ito ang kakaibang paraan ni Hesus bilang Guro. Minsan akala nila, laway lang ang puhunan ng guro. Hindi totoo. Ang puhunan ng tunay na guro para sa mabisang paraan ng pagtuturo ay hindi lang laway kundi sariling buhay, buong pagkatao.
Siguro iyon ang dahilan kung bakit kahit marami tayong naging titser sa buhay, iilan lang ang natatandaan talaga natin: iyong pinagkakautangan natin ng loob dahil marami tayong natutuhan sa kanila. Hindi lang dahil mabisa ang paraan ng kanilang pagtuturo, hindi lang dahil nakukumbinsi tayo ng kanilang mga salita, kundi dahil—naging huwaran sila sa atin, naging mabuting halimbawa ng kanilang itinuturo.






