240 total views
Nakatutok ang Social Action Center ng Diocese of Talibon, Bohol sa mga residenteng apektado ng kaguluhan dahil sa pagpasok ng bandidong Abu Sayyaf sa bayan ng Inabanga.
Ayon kay Rev. Fr. Chito Lozada, Social Action Director ng Diocese of Talibon, nakikipagtulungan ang parokya ng San Isidro na siyang nakakasakop sa apektadong sitio sa mga otoridad at mga residente lalo na sa bahagi ng pag-agapay sa pagkain at pangangailangan ng mga nagsilikas na residente dahil sa takot na madamay sa kaguluhan.
Sinabi ni Father Lozada na hindi maiaalis sa mga residente ang mangamba lalo na’t iba’t-ibang mga balita ang kanilang natatanggap bagamat wala itong kumpirmasyon o katiyakan.
“Natural lang na ang mga tao merong fear lalo na may mga report na nandun nandito, yan ang mga report na iba-iba nagpanic ang mga tao pero ngayon nandun pa ang mga militar.”pahayag ni Fr. Lozada sa panayam ng Veritas 846.
Hiniling ng Pari sa mga residente na maging kalmado ngunit tiyakin na maging alerto at magdasal para sa kaligtasan ng lahat.
“Be calm kasi sabi ng militar natin kontrolado na nila ang lugar nandun na sila according to our Governor… Pero hindi mag kumpiyansa kasi hindi natin alam kung nandun sila sa ibang lugar pero huwag sana mag-panic ang mga tao kontrolado naman ng militar at pulis. Dagdag pa ng Social Action Director ng Talibon.
Kaugnay nito inihayag ng Pari na naging matiwasay ang kanilang paggunita ng Semana Santa at nakita pa din ang matatag na pananampalataya ng mga residente sa kabila ng pangamba ng kaguluhan.
Magugunitang nitong nakaraang linggo ay mahigit sa 10 na miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf ang naglayag patungo sa lalawigan ng Bohol kung saan nagkaroon sila ng ingkwentro laban sa Militar.