264 total views
Aabutin ng halos tatlong taon bago matapos ang isinusulong na election protest at recount ni dating Senador Bongbong Marcos para sa pagkapangalawang pangulo ng bansa.
Ayon kay Election Lawyer Atty. Romulo Macalintal, lead counsel ni Vice President Leni Robredo, mahaba ang dadaanang proseso ng naturang protesta ng dating Senador lalo’t ang resulta ng eleksiyon sa buong bansa ang kinukuwestiyon nito.
Paliwanag ni Macalintal, ang pagpo-proseso pa lamang sa isang munisipyo ay inaabot na ng isang taon at kalahati kaya’t nakatitiyak ito na aabutin ng mahigit sa tatlong taon ang election protest ni Marcos na kumukuwestiyon sa resulta ng halalan sa mahigit 1,500-munisipalidad sa buong bansa.
Kaugnay nito, naninindigan ang kampo ni Vice President Robredo na walang sapat na batayan at ebidensya ang naturang protesta ni Marcos kung saan sa 669 na mga munisipalidad na inirereklamo nito ay tanging nasa 52 pa lamang ang naisusumite ng kanilang kampo na affidavit sa Presidential Electoral Tribunal.
Batay sa resulta ng nakaraang halalan, naihalal bilang ikalawang Pangulo ng bansa si Vice President Leni Robredo sa botong 14,023,093 laban kay Marcos na nakakuha lamang ng 13,803,966 na boto.
Magugunitang una nang nanawagan ng katapatan ang Simbahang Katolika para sa isinagawang halalang pambansa kung saan bukod sa pagpili ng karapat dapat na mga lider ng bansa ay umapela rin ito sa lahat ng mga pulitiko para sa kanilang dalisay na adhikain para sa bayan.