240 total views
Ito ang pangamba ni Former Ambassador to the Vatican Henrietta De Villa kaugnay sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station kaugnay sa kahalagahan ng pananampalataya sa buhay ng mga Filipino kung saan lumabas na marami ang nagpapahalaga sa relihiyon ngunit mababa naman ang antas ng mga Katolikong nagsisimba tuwing Linggo.
Ayon kay De Villa, malaki ang ibinaba ng antas na ito kumpara sa nakitang pagbaba sa bilang ng mga regular na nagsisimbang mga Katoliko noong isinagawa ang Second Plenary Council taong 1991.
Pagbabahagi ng dating kinatawan ng bansa sa Roma, nakadidismaya na marami sa mga kabataan ngayon na tinaguriang ‘Millennials’ ang walang kongkretong pagpapahalaga sa mga Banal na Sakramento tulad na lamang ng pagsisimba tuwing linggo.
“Una natutuwa ako dun sa unang result na talagang marami na talagang mahalaga sa kanila ang relihiyon pero nakakalungkot talaga na kaunti at paunti nalang ng paunti ang nagsisimba, kasi kung ibabase ko yan dun sa survey nung sa Second Plenary Council noong 1991 ang trend ganun na pababa pero hindi ganyan kalaki na ang karamihan sa hindi na o they don’t feel na importante pa ang pagsisimba tuwing Linggo ay ang mga ‘millennials’ yung mga kabataan kaya dito natin makikita ang kahalagahan ang ika nga pamilya yung ‘solid Christian family’, very important yun…”pahayag ni De Villa sa panayam sa Radio Veritas.
Giit ni De Villa, sa pamilya dapat na magmula ang pagpapahalaga sa mabuting salita ng Diyos kaya’t marapat lamang na simulan sa pagkabata ang paghubog sa malalim na pananampalataya sa Panginoon.
Sa kabila nito, umaasa rin si De Villa na pagtuunan rin ng pansin ng mga Pari at Obispo ang pagiging makabuluhan ng kanilang mga ibabahaging homiliya sa mga mananampalataya partikular na para sa mga kabataan.
Batay sa resulta ng isinagawang survey ng S-W-S kaugnay sa kahalagahan ng pananampalataya sa buhay ng mga Filipino, lumabas na 85-porsyento ang nagsabing mahalaga.
Gayunman batay sa tala, tanging 41-porsyento lamang ng mga Katoliko ang lingguhang nagsisimba, 39-na porsyento ang nagsisimba lamang ng isa hanggang dalawang beses sa isang buwan habang nasa 20-porsyento naman ng mga Katoliko ang nagsabing isa hanggang dalawang beses lamang sa loob ng isang taon kung sila ay magsimba.