18,719 total views
Naglabas ng opisyal na pahayag ang Diyosesis ng Malolos patungkol sa panukalang batas na nagpapahintulot ng Absolute Divorce sa bansa.
Sa pahayag ng diyosesis na may titulong ‘Pananagutan ang Pagmamahal’ ay binigyang diin ng Diyosesis ng Malolos na pinangangasiwaan ni Bishop Dennis Villarojo na mahalagang muling pagnilayan at suriin ang pagsasabatas ng diborsyo sa bansa lalo’t higit ang maaaring maidulot nito sa sarili, sa pamilya at sa buong pamayanan.
Ang pahayag ng Diyosesis ng Malolos ay kasunod na din ng pagpasa ng House Bill 9349 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso noong ika-22 ng Mayo, 2024.
“Noong ika-22 ng Mayo, taong 2024, ipinasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magpapahintulot ng diborsyo dito sa ating bansa. Bagaman hindi pa ito ganap na naisasabatas, mainam na pagnilayan nating mabuti kung ano ang maaaring maging dulot nito sa ating sarili, sa ating pamilya at sa ating pamayanan.” Bahagi ng pahayag ng Diyosesis ng Malolos.
Pagbabahagi ng pamunuan ng diyosesis, “Sa pakikilakbay ng Simbahan sa mga bata at kabataan, sa mga mag-asawa at mga pamilya, saksi ito sa katotohanang wala namang perpektong pamilya. Batid nito ang pinagdaraanan ng mga biktima ng karahasan at pang-aabuso sa tahanan. Malawak na rin ang karanasan nito sa pag-agapay sa mga mag-asawang hindi magkasundo dahil sa iba’t ibang kadahilanan.”
Binigyang diin rin ng Diyosesis ng Malolos na ang pagmamalasakit ng Simbahan ay hindi lamang para sa isa o ilang piling kasapi nito sa halip para sa buong pamilya.
“Ang pagmamalasakit ng Simbahan ay para sa buong pamilya at hindi lamang sa isang kasapi nito. Sa usaping diborsyo, hindi lang ang mag-asawa ang apektado kundi ang mga anak. Sa pagtugon ng Simbahan sa mga usaping ito, isinasaalang-alang ang pag-ibig para sa lahat.” Ayon pa sa Diyosesis ng Malolos.
Nakapaloob din sa pahayag ng Diyosesis ng Malolos ang pananawagan sa higit na pagpapatupad ng mga kasalukuyang umiiral na batas sa bansa na naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng mag-asawa at pamilyang Pilipino gaya na lamang ng Republic Act No. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 na layuning pangalagaan ang kapakanan ng mga bata at kababaihan, sa pamamagitan ng pagpapanagot sa gumawa ng karahasan kahit pa ito’y isa ring kasapi ng pamilya.
Binigyang pagkilala at pinasalamatan naman ng Diyosesis ng Malolos ang mga mambabatas na tumutol sa panukalang batas at nanindigan sa kasagraduhan ng kasal o matrimonio at ng pamilya.
Partikular na kinilala ng diyosesis ang mga mambabatas o mga kinatawan mula sa iba’t ibang distrito ng Bulacan na bumoto ng NO sa panukalang pagsasabatas ng Absolute Divorce sa bansa.
“Kinikilala namin ang mga kasapi ng Congreso na nanindigan para sa kalooban ng Diyos at sa kapakanan ng matrimonio at pamilya lalo na iyong mga kinatawan mula sa mga nasasakupan ng Diyosesis ng Malolos, sina Cong. Eric Martinez ng Valenzuela at Cong. Tina Pancho ng Ikalawang Distrito ng Bulacan, na bumoto ng NO sa panukalang ito, at si Rep. Rida Robes na nag-abstain.” Pagbabahagi ng Diyosesis ng Malolos.
Pinangunahan ni Malolos Bishop Dennis Villarojo ang paglagda sa opisyal na pahayag ng diyosesis patungkol sa isinusulong na Absolute Divorce sa bansa kaisa si Gng. Mirasol Villangca-Benavidez na siyang pangulo ng Sangguniang Laiko ng Malolos at iba pang mga opisyal at lingkod ng Simbahan ng diyosesis.