16,246 total views
Nagpapasalamat ang Diyosesis ng Cabanatuan sa pagkilalang iginawad ng National Historical Commission of the Philippines sa St. Nicholas of Tolentine Parish Cathedral o kilala bilang Cabanatuan Cathedral para sa mahalagang ambag nito sa kasaysayan ng bansa. Sa naganap na unveiling ng national historical marker sa katedral noong ika-14 ng Hunyo, 2024 ay ibinahagi ni Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud ang pasasalamat sa pagkilala sa mahalagang ambag ng Katedral bilang saksi sa mayamang kasaysayan matapos na magsilbing tanggapan para sa Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo ang kumbento ng Simbahan nang ilipat ang kabisera ng Unang Republika ng Pilipinas sa Cabanatuan noong Mayo taong 1899. Ayon sa Obispo, biyaya ang pagkilala ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa mahahalagang tagpo sa kasaysayan na nasaksihan at ginampanan ng Cabanatuan Cathedral. Sinabi ni Bishop Bancud na ito patunay sa katotohanang magkaugnay ang mayamang kasaysayan at paglalakbay ng isang bayan sa patuloy na pagpapalago ng Simbahan sa pananampalataya sa Panginoong Maykapal. Tiwala ang Obispo na magsilbing hamon ito para sa bawat Novo Ecijanos na maipagpatuloy ang minimithing pagkakaisa, kapayapaan at buhay na matiwasay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pananaig ng dalisay na pusong Pilipino. “Yung pagsasalaysay sa ating kasaysayan na napakalinaw, dito sa paglalakbay na ito magkasama ang Simbahan at ang bayan, at tayong narito ngayon kumakatawan sa bayang Pilipinas at dito sa ating minamahal na probinsya ng Nueva Ecija. Nawa’y itong simpleng sermonyas na paghahawi ng tabing harinawa makaakit sa atin, makahikayat sa ating mga Novo Ecijanos na tanggalin ang lahat ng pangtakip, ang lahat ng tabing upang ang mangibabaw palagi ay ang dalisay na pusong Pilipino na minimithi natin ay ang pagkakaisa, kapayapaan at tunay na buhay na matiwasay.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bancud. Tiniyak naman ni Bishop Bancud ang patuloy na pangangalaga at pagpapayabong sa nasimulan ng Cabanatuan Cathedral hindi lamang sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon kundi maging sa paghuhubog sa mamamayan upang maging ganap na tagapagmana at tagapagpatuloy ng dakilang kasaysayan ng lalawigan. “Alam natin na ang mga ito ay ating makakamit dahil sa patnubay ng ating Panginoong Diyos at ang ating patron si San Nicolas de Tolentino. Muli para sa ating lahat ipagpatuloy natin itong hamong ito, diwa ng totoong pagkakaisa na siyang totoong magbubuklod sa atin pag-ibig ng Diyos.” Dagdag pa ni Bishop Bancud. Nakalimbag sa panandang pangkasaysayan na matatagpuan sa Cabanatuan Cathedral ang mga katagang “Cabanatuan: Landas ng Pagkabansang Pilipino, 1899” na kumikilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng Cabanatuan Cathedral bilang saksi sa pagkabansa ng Pilipinas na kauna-unahang republika sa buong Asya. Una ng inihayag ni NHCP executive director Carminda Arevalo na ang pagkilala sa mga Simbahan at iba pang pook sa bansa ay bahagi ng isinasagawang pagkikila ng komisyon sa halos 100 mga lugar na mayroong mahalagang ambag sa tinatamasang kalayaan ng Pilipinas bilang tugon sa idineklara ng pamahalaan na 125th anniversary of Philippine Independence and Nationhood mula 2023 hanggang 2026. Sa datos nasa 130 mga simabahan sa bansa ang kinilala ng pamahalaan na Important Cultural Property, National Historical Landmark, at National Cultural Treasure dahil sa pagiging bahagi ng mayamang kasaysayan ng bansa.
(Photo Source St. Nicholas Of Tolentine Parish Cathedral / Historic Cabanatuan Cathedral)