9,220 total views
Sa panahon ng Kuwaresma, muling pinaalalahanan ang mga mananampalataya na ang pag-aayuno ay hindi lamang tungkol sa pisikal na sakripisyo, kundi isang espiritwal na paglalakbay patungo sa mas malalim na ugnayan sa Diyos.
Ito ang mensahe ng homiliya ni Fr. Benjo Fajota-anchor priest ng Radyo Veritas at kura paroko San Roque de Manila sa misang ginanap sa Veritas Chapel.
“Hindi tayo lalago kung wala tayong ehersisyo—hindi lang sa katawan kundi pati sa ating kalooban,” saad ng pari sa kaniyang homiliya. “Ang Kuwaresma ay isang pagkakataon, isang paglalakbay, at isang pagdiriwang. Kahit tayo ay nag-aayuno, dapat may kagalakan sa ating puso,” ayon kay Fr. Fajota.
Binibigyang-diin ng pari na ang tunay na pag-aayuno ay hindi simpleng pag-iwas sa pagkain o paglilimita ng pisikal na kasiyahan. Sa halip, ito ay pagsasakripisyo nang may taos-pusong layunin—ang pagbabalik-loob sa Diyos at pagtulong sa nangangailangan.
Sa unang pagbasa mula sa aklat ni Propeta Isaias, ipinaalala ng Panginoon na hindi sapat ang pag-aayuno kung ito ay ginagawa lamang para sa pansariling kapakinabangan o pagpapakitang-tao.
“Nag-aayuno kayo at nagsasakripisyo, ngunit bakit hindi ko kayo sinasagot?” tanong ng Diyos. “Ang tunay na pag-aayuno ay hindi lamang pag-iwas sa pagkain, kundi ang pagpapalaya sa mga inalipin ng kasalanan, pagbabahagi ng tinapay sa nagugutom, pagbibigay ng damit sa hubad, at pagkupkop sa mga walang tirahan,”
Hinimok din ni Fr. Fajota ang lahat na mag-ayuno hindi lang sa pagkain, kundi sa masasamang ugali.
“Mag-ayuno tayo sa paninira, reklamo, at walang basehang paghuhusga. Kapag wala tayong mabuting sasabihin, mas mabuting manahimik. Sa ganitong paraan, tunay nating maisasabuhay ang espiritu ng Kuwaresma,” ayon pa kay Fr. Fajota.
Pinaalalahanan din ng pari ang mga mananampalataya na ang Kuwaresma ay isang paglalakbay—isang pagkakataon upang suriin ang ating sarili at tanungin: “Tayo ba ay lumalapit sa Diyos o lumalayo sa Kanya?”
“Huwag nating sayangin ang Kuwaresma. Nakikita ng Diyos ang nilalaman ng ating puso. Ang tunay na kabanalan ay hindi pagpapanggap kundi tapat na pagsisikap na maging mas mabuting tao,” saad pa nito.
Ngayong panahon ng Kuwaresma, inaanyayahan ni Fr. Fajota ang lahat na hindi lamang mag-ayuno sa pagkain, kundi talikuran ang anumang bagay na humahadlang sa ating ugnayan sa Diyos—at sa halip, palitan ito ng pag-ibig, malasakit, at tunay na pananampalataya.