3,070 total views
Tanggapin at kalingain ang mahihirap, hamon ni Bishop Pabillo sa taumbayan
Hinamon ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mananampalataya na tanggapin at kalingain ang mga mahihirap.
Ito ang mensahe ng Obispo sa paggunita ng ika-walong World Day of the Poor sa buong mundo.
Ayon sa Obispo, ang pagtanggap sa mga mahihirap ay hamon ng Panginoon sa mga mananampalataya.
Ipinagdiriwang ang World Day of the Poor isang linggo bago ang Feast of Christ the King.
“Talagang pinapakinggan ng Diyos ang kahilingan ng mga mahihirap kaya kapag tayo ay pinagdarasal ang mga mahihirap, yan po ay papakinggan ng Diyos at ipagdadasal tayo ng mga mahihirap kung tayo ay mayroong relationship sa kanila at kung tayo ay tumutulong sa kanila at nararamdaman nila ang ating pagkalinga sa kanila,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Ipinagdarasal ng Obispo na paigtingin ng bawat isa ang pananalangin para sa ikabubuti ng kanilang kapwa.
Ito ay dahil sa tulong ng panalangin ay nakakarating sa Panginoon ang mga hinaing ng mga mahihirap o pinakanangangailangan sa lipunan.
Inihayag ni Bishop Pabillo na alinsunod din ito sa tema ngayong taon ng World Day of the Poor na itinalaga ng Kaniyang Kabanalang Francisco The Prayers of the Poor, Rises up to God.
“Kaya ang mga mahihirap po, yan po ay hamon sa atin na lumapit sa kanila at paglingkuran ang Diyos sa pamamagitan ng pakikiisa natin sa mga mahihirap kaya sana bigyan po natin ng halaga ang World Day of the Poor, pinapaalala sa atin ng araw na ito ang kahalagahan ng mga mahihirap sa ating paglapit sa Diyos at sila’y paraan upang tayo ay makalapit sa Diyos,
tandaan po natin ‘The Prayers of the Poor Rises to God’ pahalagahan po natin sila at maipagdasal natin sila at sila din ay magdasal para sa atin,” bahagi pa ng panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
2017 ng simulan ni Pope Francis ang paggunita ng World Day of the Poor tuwing ikatlong linggo ng Nobyembre, upang ipaalala sa mga mananampalataya ang kahalagahan ng pakikiisa sa mga mahihirap.