206 total views
Pinaalalahanan ng pinunong pastol ng Arkidiyosesis ng Cebu ang bawat mananampalataya na maging mapanuri sa mga lumalabas sa social media upang makaiwas sa pananamantala ng ilang indibidwal.
Ayon kay Archbishop Jose Palma, ugaliin ang pagtiyak sa bawat impormasyong nakukuha at nababasa lalo na sa social media platform na kadalasang ginagamit ng mga manloloko.
Ang paalala ng Arsobispo ay kaugnay sa paggamit ng pangalan ng Simbahan at maging ng mga Obispo upang makakuha ng salapi sa mamamayan para sa pansariling interes.
“Be extra careful and don’t just be gullible and believe but double check and kung mahimo i-check gyud primero [kung maari i-check muna], tawag mo sa office o sa mga legitimate commissions pero ayaw lang pagdali dali paghatag nga wa ninyo masiguro ang katuyuanan og labi na ang kaadtoan [huwag kayo magmadalu magbigay na hindi ninyo matiyak ang mapupuntahan ng tulong nyo],” panawagan ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Magugunitang unang biktima ang Manila Cathedral kung saan ginawan ito ng Facebook Account na nagbebenta ng mga ‘miraculous medal’ na sinasabing nagmula sa Vatican at binasbasan ng mga Pari at Obispo ng 100 araw.
Si Cubao Bishop Honesto Ongtioco naman ay biktima rin ng fake FB account kung saan humihingi ng pera para sa kanyang triple bypass surgery.
Kapwa itinanggi ng The Manila Cathedral at ni Bishop Ongtioco ang nasabing mga account at binalaan ang publiko sa paglaganap ng fake accounts gamit ang Simbahang Katolika upang makapangalap ng pondo.
Si Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo naman ay biktima ng text scam gamit ang kanyang pangalan sa paghingi ng pondo para sa medication nito at triple heart bypass.
Ikinatuwa ni Archbishop Palma ang pagiging matulungin ng mga Filipino na handang tumulong sa mga nangangailangan subalit nararapat din na suriing mabuti ang mga binibigyan ng tulong.
“Nalipay kita sa kasing kasing nga manggihatagon pero unta atong icheck kay lisod man nga maayo ang inyong intensyon pero mangadto man lang sa dili maayong katuyuanan [Masaya ako na may mga pusong matulungin ngunit dapat i- check muna kasi mahirap na maganda ang inyong intensyon pero napupunta lang sa hindi tama dahil sa mga manloloko],” ani ng Arsobispo.
Muling pinaalalahanan ang publiko na mag-ingat upang maiwasang mabiktima ng mapanamantalang indibidwal lalo na social media kung saan halos 60 porsyento sa populasyon ng Pilipinas ay aktibo sa internet bawat araw.